Mga ahensya ng gobyerno pinulong ni Speaker Romualdez upang mapaghandaan banta ng baha
Pinulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapaghandaan ang banta ng pagbaha bunsod ng nagbabadyang La Niña upang maiwasan na mayroong masawi at mapinsalang ari-arian.
Matapos ang pagpupulong, sinabi ni Speaker Romualdez na susuportahan ng Kamara de Representantes ang mga hakbang na gagawin ng mga ahensya upang mapaghandaan ang La Nina.
Ipinatawag ni Speaker Romualdez ang mga ahensya kasunod ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gumawa ng mga hakbang upang mapangalagaan ang mga komunidad at mapanatiling ligtas ang mga residente sa baha.
“We are here with you, tell us what you need to ensure we are sufficiently prepared for La Nina. We are here to support you,” ani Speaker Romualdez.
“We pledged all-out support of the House to all the concerned departments and agencies to ensure anti-flood initiatives, including dredging activities, are properly implemented promptly,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Dumalo sa pagpupulong sina Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Department of Science and Technology Sec. Renato Solidum, Jr., Dept. of Environment Sec. Maria Antonio Yulo Loyzaga, at Metro Manila Development Authority Gen. Manager Procopio Lipana. Dumalo rin si Department of Interior and Local Government Undersecretary Lord Villanueva.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapaghandaan ang La Niña matapos sabihin ni Sec. Solidum na maaaring kapusin na sa oras para mapaghandaan ang pagpasok ng mga bagyo ngayong papatapos na ang El Nino.
“We urge all stakeholders, including national and local government agencies, the private sector, and our communities, to actively participate in these initiatives,” saad pa nito.
Umapela rin si Speaker Romualdez sa publiko na makipagtulungan sa otoridad at panatilihing malinis ang mga daluyan ng tubig.
“Dapat naman po sumunod tayo sa mga protocols dito sa paglilinis at pagtatapon ng basura dahil napaka importante po na maayos ang ating mga areas kung saan tayo nakatira para maganda ang daloy ng tubig pag malakas ang ulan,” wika pa ng lider ng Kamara.
Umapela rin si Speaker Romualdez sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga anti-flood measure kasama na ang tamang pagtatapon ng basura.
Ipinunto ni Speaker Romualdez ang epekto ng baha sa mga maliliit na negosyo na makakaapekto sa supply chain na mayroon ding epekto sa ekonomiya ng bansa.
“Together, we can build a more resilient Philippines capable of withstanding the challenges posed by natural calamities,” saad pa ni Speaker Romualdez. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home