Wednesday, November 09, 2022

MGA PANUKALANG BATAS NA MAG-AATAS SA PMMA NA PUMILI NG ISANG KADETE SA BAWAT DISTRITO NG KONGRESO TAON-TAON, INAPRUBAHAN NG KOMITE

Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Higher and Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go ang pinag-isang mga panukalang batas na magbibigay-daan sa mga naghahangad na kadete mula sa malalayong lugar, na matupad ang kanilang mga pangarap na maging opisyal ng barko na pangkalakal at hukbong-dagat.  


Ang House Bill 2458 na iniakda ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, at HB 4835 ni Pangasinan Rep. Marlyn Primicias-Agabas, ay mag-aatas sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) na pumili ng isang kadete mula sa bawat distrito ng kongreso bawat taon, upang mabuo ang papasok na klase nito. 


Kaugnay nito, inaprubahan ng Komite ang pagbuo ng isang technical working group (TWG) upang tugunan ang mga usapin at alalahanin, at ipakita ang mga ipinanukalang mga pagbabago sa HB 953 ni MARINO Rep. Sandro Gonzalez. 


Ang panukalang batas ay magtatatag ng isang rehimeng edukasyon at pagsasanay sa dagat, bubuo ng teknikal na Komite sa edukasyon at pagsasanay, gayundin, ang gawing sentralisado ang pagsasanay sa barko, at iba pa. 


Samantala, inaprubahan ng Komite, kasama ang ulat ng Komite nito, ang HB 152 ni Albay Rep. Fernando Cabredo.  Ang panukala ay magtatatag sa Bicol University-College of Veterinary Medicine sa Ligao City, Albay. 


Inaprubahan din sa pagdinig ang HB 4487, at ang kaukulang ulat ng Komite nito. 


Ang panukalang batas ni Rep. Isidro Lumayag ay naglalayong lumikha ng tanggapan ng distrito ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Polomolok, South Cotabato.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home