10 PANUKALANG BATAS NA MAGBIBIGAY NG VAT REFUND SA MGA TURISTA, INAPRUBAHAN NG KOMITE
Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang wala pang bilang na substitute bill sa House Bill 7143, na lilikha ng mekanismo kung saan maaaring ma-refund ng mga hindi residenteng turista ang kanilang value-added tax (VAT).
Binigyang-diin ni Rep. Salceda na ang panukala ay matagal ng atrasado, at pinunto na ang Pilipinas ay ang bukod tanging bansa sa Asya na walang sistema ng VAT refund sa turista.
Inaasahan niya na tataas ng 30-porsiyento ang mga lokal na bentahan sa mga turista kapag ang panukala ay naisabatas. Nakita ni Senior Vice Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing, isa ring may-akda at pinuno ng technical working group sa HB 7143, na ang insentibo para sa mga turista katulad ng iminumungkahi sa panukalang batas ay makakatulong sa pagpapasigla ng turismo at kalakalan ng bansa, at magtatalaga sa bansa na higit na makakakumpitensya at magpapalakas sa kakayahang kumita ng mga lokal na negosyo.
Ang iba pang may-akda ng panukala ay sina Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug, at United Senior Citizens Rep. Milagros Aquino-Magsaysay.
Tinantya ni Rep. Suansing na ang paggasta ng turista ay tataas mula P10.6 bilyon hanggang P42.3 bilyon sa loob ng isang taon pagkatapos maisabatas at maipatupad ang panukalang batas.
Ang panukalang batas, na naamyendahan na, ay magbibigay ng karapatan sa mga turista sa VAT refund sa kalakal na kanilang binayaran na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3,000 bawat transaksyon mula sa mga akreditadong retailer.
Inilalarawan nito ang isang turista bilang "isang dayuhang may hawak ng pasaporte, indibidwal na hindi residente ng bansa at hindi nakikibahagi sa kalakalan o negosyo sa Pilipinas."
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home