8 PANAWAGAN PARA SA PAGPAPATUPAD NG BATAS PARA SA KALUSUGAN NG PAG-IISIP, TINALAKAY NG KOMITE
Nanawagan ngayong Lunes ang Komite ng Welfare of Children sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co, sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na talakayin ang pagpapatupad ng Republic Act 11036, na kilala rin bilang "Mental Health Act," upang itaas ang kamalayan sa tumataas na bilang ng mga kaso ng nagpapakamatay na mga bata at mga pagtatangka sa nakalipas na limang taon.
Ayon kay Rep. Co, ang panawagan ay hindi lamang para pag-aralan ang kapakanan at kalusugan sa isip ng mga batang Pilipino, kungdi tukuyin din ang mga kakulangan sa pambansang istratehiya at mental health initiatives ng bansa.
Iniharap ni Department of Social Welfare and Development - Council for the Welfare of Children (DSWD-CWC) Undersecretary Angelo Tapales ang epekto ng pandemya sa kalusugang pangkaisipan ng mga batang Pilipino.
Aniya sa pagsisimula ng epidemya, ang mga tawag tungkol sa pagkabalisa at kalungkutan ang siyang nangibabaw sa hotline ng National Center for Mental Health (NCMH).
Noong Enero 2021, mayroong 308 na tawag na nauugnay sa pagpapatiwakal, mula sa 33 na tawag sa parehong buwan noong nakaraang taon. Kahit na may batas sa kalusugan ng isip at higit na kamalayan sa usapin, ayon kay Tapales, may mga hamon pa rin na kailangang lutasin, kabilang ang kakulangan ng mga pasilidad at psychiatric specialist, restricted access para sa mga bata sa malalayong lugar, at hindi sapat na child-centered therapies, “We are in the right direction but we need to do more."
Sinabi din sa Komite nina Department of Health (DOH) Director Dr Nikka Hao M.D. at Department of Education (DepEd) Director Atty. Suzette Medina ang iba't ibang interbensyon at serbisyo ng kanilang ahensya upang suportahan ang kapakanan at kalusugan ng isip ng mga bata at kabataan.
Ikinalungkot ng mga mambabatas ang mga magkakahiwalay na programa at serbisyo para itaguyod ang kagalingan at kalusugan ng isip ng mga bata at kabataan.
Sina Reps. Arlene Brosas ng GABRIELA Party-list at Stella Luz Quimbo ng Marikina City ay parehong kinuwestiyon ang iba't ibang hotline na pinapatakbo ng mga organisasyong nagbibigay ng pangangalaga sa kalusugan ng isip.
“Ang problema, parang fragmented ang efforts ng mga agencies. And nakakalungkot 'yon because it is very clear in the law that the government's plan needs to have three features. One, it has to be rational. Two, it has to be unified and three, it has to be integrated,” ani Quimbo.
Umaasa si Pasig City Rep. Roman Romulo, ang chairperson ng Komite ng Basic Education, na ang House Bill 3691 o ang "Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act" ay tuluyan nang maisabatas, upang makatulong sa pagtugon sa problema.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home