RPP Presyo ng bigas baba sa P42/kilo sa Hulyo— PRISM
Kumpiyansa ang mga lider ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na bababa sa P42 kada kilo ang presyo ng bigas sa Hulyo bunsod ng naging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawasan ang taripa na ipinapataw sa imported na bigas.
Ginawa nina PRISM founders Rowena Sadicon at Orly Manuntag ang pahayag matapos ang kanilang pakikipagpulong kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ilan pang kongresista sa Manila Golf and Country Club sa Makati City.
Ang PRISM ay isang grupo ng mga stakeholder sa rice industry na binubuo ng mga seed growers, magsasaka, millers, traders, importers at retailers.
Nagpasalamat si Manuntag kay Speaker Romualdez at iba pang kongresista sa pakikipag-usap sa kanila kaugnay ng pagpapababa sa presyo ng bigas kaugnay ng Executive Order (EO) No. 62, na nagbababa sa taripa ng imported na bigas sa 15 porsiyento mula sa 35 porsiyento.
“Maraming salamat po kay Speaker at sa lahat ng congressmen dito sa pagkakaroon po namin ng magandang pag-uusap tungkol po doon sa presyo ng bigas na mapaabot po natin sa market lalong-lalo na sa mga retailers po natin all over the Philippines,” ani Manuntag.
Ayon kay Manuntag, na siya ring spokesperson ng Grain Retailers Confederation of the Philippines, ang bawas sa taripa ay mararamdaman ng mga Pilipino.
“Ito po ang isa sa itutulong po namin na maramdaman sa bawat merkado ang papasok na EO 62 at ang sinasabi po nating 15-percent tariff na maramdaman ng namamayang Pilipino,” sbai pa ni Manuntag.
“So inaasahan po namin na sa mga P45-P46 o P44-P42 ang ating mga presyo na bigas sa market pagpasok nitong July, sa 15 percent na tariff po natin,” saad pa nito.
Ayon kay Sadicon, na lead convenor ng PRISM, hindi pababayaan ang mga lokal na magsasaka sa pagbaba ng taripa.
“We'd like to assure din po ang ating mga farmers at ang ating mga local production na isusulong po natin ang ating cluster farming at matulungan po sila nang husto na hindi po mapabayaan ‘yun pong ating local production,” sabi ni Sadicon.
Pagpapatuloy pa nito, “Sa kabila po ng ganitong mga usapin, kung mapag-uusapan po talaga nang mabuti at maisusulong ang pagtulong sa ating mga farmers, babantayan po namin 'yun. At the same time, dun din po sa presyo ng bigas sa ating merkado.”
Kasama rin sa pagpupulong sina House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga, Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, at National Food Authority OIC-Administrator Larry Lacson. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home