MGA BAGONG OPERASYON LABAN SA DROGA SA PAMPANGA, TINALAKAY NG KOMITE SA KAPULUNGAN
Nakipagpulong ngayong Lunes sa mga tagapagpatupad na mga ahensya ng pamahalaan ang Komite ng Dangerous Drugs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers upang talakayin ang tila paggamit sa Subic Bay Freeport Zone bilang pasukan ng mga iligal na droga sa bansa, matapos makumpiska ang mga ipinagbabawal na droga sa Pampanga.
Ang pulong na ginanap batay sa House Resolution (HR) 1346 na inihain ni Senior Deputy Speaker (SDS) Aurelio Gonzales Jr., at HR 1351 na inihain ni Zambales Rep. Jefferson Konghun, ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Justice (DOJ), Bureau of Customs (BOC), at Philippine National Police (PNP).
Ayon kay SDS Gonzales, inihain niya ng HR 1346 upang makakuha ng sagot kung paano naipuslit ang 700 kilo ng iligal na droga sa Pampanga. Natuklasan ng NBI Manila Task Force laban sa mga iligal na droga at PNP Mabalacat City ngayong taon, ang 200 kilo ng hinihinalang shabu sa isang abandonadong sasakyan sa isang paradahan sa mall.
Noong ika-24 ng Setyembre 2023, may kabuuang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon ang nakumpiska mula sa isang bodega na pag-aari ng isang "Mr. Willy Ong." Ang nasabing bodega ay nasa Barangay Malino, Mexico, Pampanga.
Kinumpirma ni NBI Forensic Chemist Juliet Maghilum na ang sangkap na nasamsam ay "dimethyl sulfone," na maaaring magsilbi bilang extender o adulterant ng shabu.
"It only shows that there is a clandestine shabu laboratory in the Philippines right now. And those substances that we were able to seize are going to be used in the manufacture of illegal drugs," paliwanag ni NBI Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) Chief Atty. Jonathan Galicia.
Ayon kay SDS Gonzales, tinatayang bilyon-bilyon ang halaga ng hinihinalang iligal na droga ang nakumpiska at nasabat sa Lungsod ng Mabalacat at Mexico, Pampanga mula 2021 hanggang Oktubre 4, 2023.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home