Friday, March 08, 2024

Isa


Humirit si AGRI PL Rep. Wilbert Lee kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na sipain na sa pwesto ang mga kurap na opisyal at kawani ng National Food Authority o NFA. 


Ito ay kasunod ng nasiwalat na “bigas scam” sa NFA, at utos ng Office of the Ombudsman na suspendihin ang 139 na taga-NFA na dawit sa kontrobersiya. 


Ayon kay Lee, upang maibabalik ang tiwala ng publiko sa NFA --- kailangan ng pagsasaayos sa ahensya, at simulan ito sa pamamagitan ng pag-alis sa mga opisyal at empleyado na sangkot sa anomalya. 


Giit ng kongresista, malaking kasalanan ang paglustay sa supply ng bigas, lalo pa’t napakamahal ngayon ng presyo ng mga pagkain at pangunahing bilihin. 


Kaya naman ani Lee, kailangang matukoy ang anumang problema o kakulangan sa kasalukuyang patakaran ng NFA, tuldukan ang ugat ng katiwalian, at papanagutin ang mga bulok sa bakuran ng ahensya na dagdag-pasanin sa taumbayan. 


Dagdag niya, sa panahong hirap ang mga lokal na magsasaka sa ani dahil sa epekto ng El Niño phenomenon, kailangang maupo sa NFA ang mga opisyal at tauhan na walang bahid ng kurpasyon.


Isa


Aminado ang Department of Agriculture o DA na sila ay nalulungkot at nababahala sa gitna ng kontrobersiya sa “bigas scam” na nagresulta sa suspensyon ng mahigit 100 opisyal at tauhan ng National Food Authority o NFA.


Sa motu proprio inquiry ng House Committee on Agriculture sa pangunguna ng chairman na si Quezon Rep. Mark Enverga --- sinabi ni DA Usec. Asis Perez na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kanilang Kagawaran ukol sa alegasyon.


Ang anumang kalalabasan nito ay ipapaalam aniya sa Kamara at sa Office of the Ombudsman.


Binanggit din ni Perez na nitong Lunes ay natanggap ng DA ang utos ng Ombudsman na nagpapataw ng suspensyon sa 139 opisyal at tauhan ng NFA.


Ayon kay Perez, malaking hamon ito sa DA at NFA kung papaano patatakbuhin ang operasyon lalo’t nalalapit na ang “harvest season,” at ramdam din ang epekto ng El Niño phenomenon.


Hindi aniya sapat ang mga tao sa ground, pero magsusumikap at tuloy pa rin aniya ang trabaho ng DA at NFA kung anuman ang mayroon ngayon.


Ani Perez, sa gitna ng pagnanais nila na matiyak ang sapat na supply ng bigas at pagkain, may kalungkutan at pagkabahala sila na ang isyu sa NFA ay naganap.


Tiniyak naman ni Perez na kaisa ng Kamara ang DA sa pagtumbok sa katotohanan sa usapin.



Isa


Nagbanta si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kay suspended National Food Authority o NFA administrator Roderico Bioco na ipapakulong sa Kamara. 


Ito ay kung patuloy na magsisinungaling sa motu proprio inquiry ng House Committee on Agriculture and Food ukol sa alegasyong “bigas scam.” 


Una rito, nagpaliwanag si Bioco sa komite ukol sa isyu ng pagbebenta ng bigas ng NFA. 


Ayon kay Bioco, sinunod naman nila ang kasalukuyang rules and regulations, upang matiyak na maayos na magagawa ang bentahan ng stocks sa rice traders. 


Giit ni Bioco, walang iregularidad sa disposition ng stocks. 


Tanong naman ni House Agri panel chairman Mark Enverga kay Bioco, sino ang mga kinunsulta kaya naging ganoon ang desisyon. 


Tugon ni Bioco, ito ang legal department ng NFA Council. 


Pero tila hindi naging kumbinsido rito si Tulfo. 


Ayon sa kongresista, malawak ang kulungan sa loob ng Batasan Pambansa, at hindi mangingiming ipa-detine ng komite si Bioco kung patuloy na magsisinungaling sa imbestigasyon.


Hajji


Planado na ang "hocus pocus" o pagbibigay ng pabor ng National Food Authority sa mga piling trader upang maibenta ang libu-libong bags ng rice buffer stock na malapit nang mabulok.


Ito ang iginiit ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa pagsisimula ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ukol sa umano'y maanomalyang pagbebenta ng 75,000 bags ng buffer stocks ng NFA sa dalawang traders sa halagang 93.75 million pesos.


Sa motu proprio inquiry ng komite, ginisa ni Tulfo ang suspendidong NFA Administrator na si Roderico Bioco kung bakit hinayaang sa private entities napunta ang buffer stock gayong nangangailangan ng suplay ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng DSWD at BJMP.


Idinepensa ni Bioco na malapit nang mabulok ang mga bigas ngunit ligtas pa para sa "human consumption" kaya tumanggi na umano ang DSWD at minabuti nilang ialok sa traders.


Taliwas ito sa isiniwalat ni Engineer Lemuel Pagayunan na maganda pa ang kalidad ng bigas bukod sa walang approval ng NFA Council ang pagbebenta at hindi sumailalim sa bidding process.  


Punto ni Tulfo, noong nakaraang taon pa naghahanap ng bigas ang Kamara bilang bahagi ng oversight function at nag-raid ng mga warehouse matapos sumipa ang presyo ng bigas ngunit mayroon palang itinatagong suplay ang NFA.


Paliwanag pa ni Bioco, ang mga napiling trader ay base sa rekomendasyon ng field offices. 


Sa kabila nito, kumbinsido ang kongresista na hindi ginampanan ni Bioco nang maayos ang kanyang trabaho dahil naibsan sana ang kakulangan sa bigas.



Isa


Naniniwala si Albay Rep. Joey Salceda na makakamit pa rin ang “bente pesos” na kada kilo ng bigas, kung magiging malinis lamang ang National Food Authority o NFA.


Ayon kay Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means --- suportado niya ang mga hakbang ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. para maisa-ayos ang NFA at matugunan ang matatagal nang depekto rito.


Aniya, ang tanging paraan para matupad ang bente pesos para sa bawat kilo ng bigas ay sa pamamagitan ng isang malinis na NFA nang hindi nakompromiso ang pananalapi ng bansa.


Matatandaan na ang bente pesos na bigas ay isa sa campaign promise ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. noong Eleksyon 2022.


Gayunman, mula noong magsimula ng kanyang administrasyon ay mataas ang presyo ng bigas.


Ang NFA naman ay nababalot ngayon sa kontrobersiya dahil sa kwestyonableng bentahan ng bigas sa ilang traders nang walang bidding at sa paluging halaga.


Mahigit 100 opisyal at tauhan ng NFA ay pinatawan ng suspensyon ng Office of the Ombudsman.



Hajji


Inusisa ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang National Food Authority kung saan na napunta ang 152 billion pesos na natanggap nito sa loob ng limang taon.


Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food hinggil sa umano'y maanomalyang pagbebenta ng 75,000 bags ng rice buffer stock, kinuwestyon ni Salceda ang NFA at Commission on Audit kung ano na ang nangyari sa pera na tinanggap bilang inflows mula 2018 hanggang 2022 sa pamamagitan ng management audit.


Ipinunto ni Salceda na hindi dapat malimitahan sa isyu ng pagbebenta ng buffer stock ngayong taon ang pagdinig kundi pati na ang mga naibenta mula nang maipatupad ang Rice Tariffication Law noong 2019.


85.7 billion pesos aniya rito ay national government subsidies habang ang 66.3 billion pesos ay mula sa kinita sa pagbebenta ng rice stocks.


Kahit umano malugi ng 20 billion pesos mula sa direct cost at sa naibentang bigas, mayroon pang 132 billion pesos na dapat ipaliwanag. 


Bagama't nilimitahan ng RTL ang papel ng NFA sa "buffer stocking" mula sa mga lokal na magsasaka, iginiit ng kongresista na dapat gumawa ito ng paraan para kumita sa halip na maging consistent sa pagkalugi kung maipasusubasta ang rice stocks.


Hiniling naman ni Salceda sa COA na magpresinta ng komprehensibong finances at management practices ng NFA at adverse findings mula 2019 hanggang 2023.


wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home