Wednesday, November 09, 2022

PANUKALANG INTEGRASYON NG NATIONAL BUILDING CODE IN ENGINEERING AT KURIKULA SA ARKITEKTO, AT PAGPAPALAWIG SA CHARTER NG PADC, PASADO SA KAPULUNGAN

Sa botong 276, nagkakaisang inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 5087. 


Imamandato sa panukala ang integrasyon ng National Building Code of the Philippines, bilang pangunahing subject sa kurikula ng Bachelor of Science degree programs sa civil engineering, mechanical engineering, electrical engineering, sanitary engineering, electronics engineering, at architecture. 


Kapag naisabatas, gagawing rekisitos ng panukala ang pagsasama ng mga paksa sa licensure examinations ng nasabing mga propesyon. 


Ganap na layunin nitong pangalagaan ang buhay, kalusugan, ari-arian, at kapakanan ng publiko, kabilang ang pagtitiyak ng kaligtasan at integridad ng mga gusali at non-building na istraktura sa bansa. 


Isinasaad sa panukala na imamandato sa Commission on Higher Education ang pagpapaunlad ng kurikula. Samantala, isasakatuparan naman ng Professional Regulation Commission ang pagsasama nito sa licensure examinations. 


Gayundin, inaprubahan ng mga mambabatas ang HB 3622, na magpapalawig sa termino ng Philippine Aerospace Development Corporation Charter ng panibagong 50 taon, sa pagtatapos nito sa ika-5 ng Setyembre 2023. Nakakuha ito ng pabor na botong 271, walang negatibo at tatlong abstensyon. 


Layon ng panukala na panatiliin ang paglago ng kakayanan ng bansa sa pagsasaliksik at paggamit ng mga pinakabagong inobasyon sa industriya ng aviation/aerospace, at paunlarin ang pagka dalubhasa sa serbisyo ng air transport. 


Pinangunahan nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan at Isidro Ungab ang hybrid na sesyon sa plenaryo ngayong araw.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home