Friday, December 09, 2022

PANUKALANG GUIDE AT FREE LEGAL ASSISTANCE SA MGA MUPs, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA

Inaprubahan ngayong Miyerkules sa ikalawang pagbasa sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ang House Bill 1, o ang panukalang "General Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act”. 


Layon nitong magbigay ng ayudang pinansyal sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng mga inisyatiba na ipatutupad ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Small Business Corporation, at Agriculture Credit Policy Council, tulad ng mga programa sa ayudang pautang at iba pang mga pasilidad sa pagpapahiram ng puhunan. 


Sa pamamagitan ng panukala, palalawigin ang mga programa sa pautang upang matulungan ang mga MSMEs na makamit ang kanilang pangangailangang pinansyal. Ipinasa rin sa ikalawang pagbasa ang HB 6509, na naglalayong magbigay ng libreng legal assistance sa mga opisyal at mga unipormadong tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang ang Philippine Coast Guard (PCG), sa lahat ng uri ng kriminal, sibil, o administratibong paglilitis na may kinalaman sa kanilang tungkulin. 


Kikilalanin ang panukala bilang “Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act” na imamandato ang pagpapalakas ng mga tanggapang ligal ng AFP, PNP, BJMP, BFP at PCG. Ang mga pangunahing may akda ng panukalang HBs 1 at 6509 ay sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, kabilang sina TINGOG Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. 


Ang ilan pang panukala na ipinasa sa ikalawang pagbasa ay: 1) HB 6524, na mas lalong magpapalawig sa panahon ng pagpapatupad ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF); 2) HB 6468 o ang panukalang “Green Public Procurement Act”; 3) HB 6558, na magpapatupad ng mga reporma sa real property valuation at pagtataya sa Pilipinas, at pagrereorganisa ng Bureau of Local Government Finance; 4) HB 6523 o ang panukalang "Revised National Apprenticeship Program Act”; 5) HB 6527 o ang panukalang “Public-Private Partnership (PPP) Act”; at 6) HB 6557 o ang panukalang “Magna Carta of Barangay Health Workers.” 


Pinangunahan nina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan at Isidro Ungab ang hybrid na sesyon sa plenaryo.

wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home