Isa Umali / May 17
Hindi pinagbigyan ng House Committee on Ethics and Privileges ang petisyon ng biyuda ng pinasalang na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo na humihiling ng “explusion” o pagpapatalsik bilang miyembro ng Kamara kay suspended Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.
Matatandaan na noong Marso ay naghain ng petisyon si Pamplona Mayor Janice Degamo laban kay Teves, na itinuturong “mastermind” sa pagpatay kay Gov. Degamo.
Sa isang pulong balitaan, ipinaliwanag ni Ethics Panel chairman Felimon Espares na ang petisyon o sulat ni Mayor Degamo ay hindi “sworn complaint” o napanumpaan.
Aniya, kung hindi ito napanumpaan ay hindi ito “qualified” sa Ethics Committee.
Dagdag ni Espares, marami pang ibang requirement batay sa Committee Rules na dapat na ma-comply o masunod.
Ayon naman kay Ako Bicol PL Rep. Raul Angelo Bongalon, miyembro ng Ethics Committee ng Kamara --- dahil sa hindi napanumaan ang petisyon/sulat ni Mayor Degamo ay trinato ito ng komite bilang “not filed.”
Samantala, sinabi ni Espares na sumulat naman sila kay Mayor Degamo noong Abril, para sabihing hindi napanumaan ang petisyon/sulat at iba pa, na hindi nakasunod sa panuntunan ng komite.
Isa Umali / May 17
Sumulong na sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na bubuo ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM.
Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang “tax at revenue provisions” ng substitute bill ng “Philippine National Nuclear Energy Safety Act.”
Kabilang sa mga pangunahing may-akda nito ay sina dating Pang. at ngayo’y House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Albay Rep. Joey Salceda at Pangasinan Rep. Mark Cojuangco.
Bukod sa pagbuo ng PhilATOM, maglalatag ng isang komprehensibong “legal framework” para sa “radiation safety,” at standards para sa maayos at ligtas na paggamit ng nuclear energy.
Itatakda rin ang mga kailangan para sa authorization and regulation ng nuclear energy applications.
Ayon kay Salceda, chairman ng Ways and Means Panel ng Kamara --- napapanahon nang magkaroon ng “guiding framework” para magamit ang nuclear energy sa ating bansa.
Giit ni Salceda, dapat nang itigil ang pananakot sa sarili at hayaang maging gabay ang agham at kasaysayan para sa isinusulong paggamit ng nuclear energy.
Sa huli, sinabi ni Salceda na nauunawaan niya ang mga kritisismo sa nuclear energy, pero sana ay maging bukas dito ang mga tao.
Isa Umali / May 16, 2023
Isinusulong ng Department of Energy o DOE sa Kongreso na magawaran ng “presidential powers” o kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magdeklara ng “energy crisis.”
Ito ay kasama sa mga nais ng DOE na amyenda sa Republic Act 9136 or the Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy --- inilatag ng DOE ng “features” ng kanilang panukala.
Dito, ang Presidente, sa determinasyon at rekumendasyon ng DOE --- ay maaaring magdeklara ng “electric power crisis” sa panahong “critically low” o mababa ang supply ng kuryente o kaya’y masyadong mataas ang presyo ng kuryente.
Sa panahon ng krisis, ang DOE ang mag-iisyu naman ng mga pansamantalang hakbang para mapahupa ang epekto nito sa mga consumer, at iba pang inisyatibo para sa episyenteng alokasyon at pagtitipid ng kuryente.
Ayon sa DOE, ang “effectivity” o pagiging epektibo ng deklarasyon ay ili-lift o aalisin sa pag-apruba ng Presidente.
Sinabi ng DOE na napapanahon nang amyendahan ang EPIRA Law upang mapunan o maayos ang mga “gap” sa power energy requirement ng ekonomiya at ng mga consumer.
Bukod dito, sinabi ng kagawaran na panahon nang palawakin ang “sources” ng enerhiya, hikayatin pa ang mga investors sa power industry, i-modernize ang distribution sector, at mapababa ang presyo ng kuryente sa ating bansa.
Isa Umali / May 16, 2023
Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang palakasin ang kapangyarihan at tungkulin ng Intellectual Property Office of the Philippines o IPOPHIL.
Sa House Bill Bill 7600 --- pinaaamyendahan ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Ito ay para mapahintulitan ang mga awtoridad ng gobyerno na mag-utos sa “internet service providers” na i-block ang websites na naglalaman ng “pirated contents.”
Nakasaad pa rito na ang IPOPHIL ay aatasan na tumanggap ng mga reklamo at petisyon para alisin ang mga “infringed content” na ipinost “online” o magsagawa ng “site blocking.”
Ang mga reklamo naman ay sasailalim sa evaluation nang mayroong “due process” at pwede ring tumanggap ng apela.
Ang IPOPHIL ay mayroong 5-araw para magpasya ukol sa reklamo, at matapos nito ay mayroong 48-oras para i-compel ang internet service provider para i-block ang site.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, na isa sa may akda ng panukala, tuwing ang isang pirated content ay nagiging “viral,” mahirap nang mapigilan ang access dito ng publiko.
Kaya naman mahalaga aniya sa “digital age” ang tamang implementasyon ng intellectual property, at mapigilan ang infringement o paglabag bago pa man ito maging viral.
Isa Umali / May 16, 2023
Gusto ng Department of Energy o DOE na marepaso at maamyendahan ng Kongreso ang prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, sinabi ni DOE Usec. Sharon Garin na masyadong “generous” ang prangkisa para sa NGCP ngunit kulang sa “performance” at mayroon ding mga “delayed” na proyekto para sa transmission lines.
Ayon pa kay Garin, naniniwala ang DOE na ang 80% ng problema sa kuryente sa ating bansa ay dahil sa prangkisa na naibigay sa NGCP.
Ani pa Garin, ang concession agreement kasi aniya ang pabor na pabor sa franchisee, kaya naman nasa kamay at kapangyarihan na ng Kongreso para i-review ang prangkisa ng NGCP, bago pa ang expiration nito.
Lumutang naman sa pagdinig ng Energy Panel ng Kamara na ang tanging binabayaran ng NGCP ay ang “franchise tax” nasa 3% ng gross receipts ng kanilang operasyon.
Sabi tuloy ni APEC PL Rep. Sergio Dagooc, “sobra pa sa tubong-lugaw” ito, kaya mabuti aniyang ibalik sa gobyerno ang pamamahala ng NGCP.
Sinubukan nating kunin ang panig ng NGCP, ngunit wala pang tugon.
Isa Umali / May 16, 2023
Nadagdagan pa ang mga resolusyon na inihain sa Kamara na nagpapaimbestiga sa iba’t ibang reklamo ng mga user o gumagamit ng Gcash.
Sa House Resolution 975 ng mga kongresista ng Makabayan --- inaatasan ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ang naganap na aberya sa Gcash noong May 9, 2023 na lubos nakaabala sa maraming users at mga negosyante.
Kabilang sa mga ipinasisilip ng Makabayan ay ang umano’y mga hindi otorisadong kaltas at transaksyon na aabot sa halagang P37 million.
Dagdag ng Makabayan, bukod sa nangyari noong May 9 --- marami na ring report laban sa Gcash na libo-libo ang halaga.
Giit ng Makabayan, kailangang maimbestigahan ito ng Kongreso upang makatukoy at makapaglatag ng mas malakas na “regulatory framework” at “data privacy mechanisms” para sa mga financial tech services.
Sa naunang pahayag ng Gcash, kanilang sinabi na naayos na nila ang problema at walang nawalang pera ng kanilang mga kliyente dahil naibalik din sa kanila ang lahat.
Isa Umali / May 16
Humihirit si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa Senado na agad na aksyunan at ipasa ang panukalang batas para sa pagpapalawig ng panahon ng “Estate Tax Amnesty.”
Sa Kamara, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7909 kung saan isinusulong na i-extend ang pag-avail ng amnestiya ng hanggang June 14, 2025, mula sa kasalukuyang deadline na June 14, 2023.
Ayon kay Salceda, dapat ay maaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang panukala bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa June 3, 2023, upang agad ding mai-akyat at mapirmahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsasabatas.
Payo ni Salceda sa Senado, subukang tapatan ang bilis ng Kamara lalo na sa pagtalakay at pagpasa sa mga “urgent” at mahahalagang panukalang batas.
Binigyang-diin pa ng kongresista na isa ring ekonomista, mahalaga ang extension ng Estate Tax Amnesty lalo’t inaasahang makikinabang dito ang nasa isang milyong pamilyang Pilipino na pawang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Kaya kung tutuusin ay wala na masyadong dapat na pagdebatehan ukol dito.
Babala naman ni Salceda, kapag hindi naging mabilis ang kilos ng Senado ay baka kakapusin na talaga sa panahon, lalo’t ang balik-sesyon ng Kongreso ay sa July 23, 2023 pa o sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, sinabi ni Salceda na maaaring sertipikahan ni Pres. Marcos ang panukala, para maging mabilis ang deliberasyon at pagpasa ng Mataas na Kapulungan sa panukala.
Isa Umali / May 16
Binubuhay sa Kamara ang panukalang batas na layong payagan ang mga senior citizen, may kapansanan o karamdaman, at locally stranded individuals o LSIs na makaboto sa pamamagitan ng koreo (mail) sa panahon ng public health emergency o state of calamity.
Ito ang House Bill 8037 ni Presidential Son at Ilocos Norte 1st district Rep. Ferdinand Alexander Marcos.
Kapag naging ganap na batas, magkakaroon ng “postal o mail-in voting system” na pagtitibayin at ipatutupad ng Commission on Elections o Comelec sa local, national at overseas balloting, at pati sa national referenda at mga plebesito.
Nakasaad sa panukala ng batang Marcos na ito ay para sa benepisyo ng mga lolo at lola, mga person with disabilities o PWDs, at LSIs na rehistradong botante naman, ngunit hindi makaboto dahil sa mataas na panganib ng impeksyon; o kaya’y “physical impossibility.”
Kapag sinabing postal o mail-in voting, ito ay uri ng “absentee voting” kung saan ang mga balota ay ipapadala sa bahay ng mga botante. Sasagutan ang balota bago maipadala sa pamamagitan ng postal mail o ihulog sa “drop box” sa voting center.
Ayon kay Marcos, ang pagboto “via mail” ay hindi na bago, at sa katunayan ay ginagawa sa Colorado, Hawaii, Oregon, Utah at Washington sa Amerika noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Punto pa ng mambabatas, ang iba pang “advantage” ng postal o mail-in voting ay mababawasan ang kinakailangang staff sa mga polling center tuwing eleksyon, at makakatipid din umano sa pera at oras ang mga botante.
Mayroon din umano pag-aaral na nagpapataas ng “voters turnout” ang mail-in voting.
PANUKALA NA MULING TUMUTUKOY SA ILLEGAL RECRUITMENT NG ISANG SINDIKATO, PASADO SA KAPULUNGAN
Inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Lunes, ang panukala na muling tumutukoy sa krimen ng illegal recruitment ng isang sindikato, sa pamamagitan ng pagpapababa ng bilang ng mga gumagawa nito mula sa tatlo o mas higit pa, sa dalawa o mas higit pa, ng mga taong hindi lisensyado, o walang pinanghahawakang kapangyarihan, na mas madaling isakdal sa krimen at magawaran ng katarungan ang mga nabibiktimang overseas Filipino workers (OFWs).
“We see this proposed law as an added protection for our hardworking OFWs and an effort to strengthen further our efforts in deterring illegal recruitment and giving justice to OFWs who fall prey to illegal recruitment,” ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Layon ng House Bill (HB) No. 7718, na inaprubahan ng Kapulungan sa pabor na botong 260, na amyendahan ang Article 38 ng Labor Code at Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, sa pagdaragdag ng bagong pamamaraan upang matukoy ang illegal recruitment ng isang sindikato na, “if the offenders are non-licensees or non-holders of authority and the act was carried out by two (2) or more persons.”
“Under the current Labor Code, illegal recruitment by a syndicate is deemed committed only if carried out by a group of three (3) or more persons conspiring and/or confederating with one another in carrying out any unlawful or illegal transaction, enterprise or scheme defined under the law. The minimum number of persons provided in the law makes it hard to prosecute illegal recruitment cases by a syndicate,” ani Speaker Romualdez.
“With House Bill 7718, we hope to fight the crime of illegal recruitment further and make it easier for government prosecutors to file and prosecute the crime of illegal recruitment committed by a syndicate in the case of non-licensees or non-holders of authorities, as two or more persons conspiring or confederating with one another would be sufficient,” ayon pa kay Speaker Romualdez.
Kasama sa mga pangunahing may-akda ng panukalang HB 7718 sina Reps. Ralph Tulfo, Jocelyn Tulfo, Gus Tambunting, at Kabayan Rep. Ron Salo.
Isinasaad sa Migrant Workers Act ang maraming pamamaraan ng pagsasagawa ng illegal recruitment, subalit ang pangunahing tinutukoy rito ay, “any act of canvassing, enlisting, contracting, transporting, utilizing, hiring, or procuring workers and includes referring, contract services, promising or advertising for employment abroad, whether for profit or not when undertaken by non-licensee or non-holder of authority.”
Sa ilalim ng batas, ang parusa sa illegal recruitment ay pagkabilanggo nang hindi bababa sa 12 taon at isang araw, subalit hindi lalagpas ng mahigit sa 20 taon, at multang nagkakahalaga ng P1-milyon hanggang P2-milyon.
Kapag ang illegal recruitment ay may kaugnayan sa pagsabotahe sa ekonomiya, ang kaparusahan ay habambuhay na pagkabilanggo, at multang nagkakahalaga ng P2-milyon hanggang P5-milyon ang ipapataw.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home