Friday, May 19, 2023

Pinuri ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng AFP sa kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng bansa


Nagtalumpati si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa harap ng mga heneral, flag officers, at senior officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nag courtesy call sa kanya. 


Sa kanyang mensahe, binanggit ni Speaker Romualdez ang hindi matatawarang dedikasyon, pangako, at mga sakripisyo sa paglilingkod ng mga opisyal ng militar sa bansa, sa pangangalaga at pagtitiyak ng matatag na bansa.


Kinilala ni Speaker ang mga kinakailangang kontribusyon ng mga matatapang na kalalakihan at kababaihan, sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan na lubos na napakahalaga sa kaunlaran.


Sinabi niya na walang humpay silang nagtatrabaho bilang mga tagapagtanggol at tagapangalaga ng kasarinlan ng mga Pilipino, mula sa mga banta maging dayuhan o lokal.


PAGTATATAG NG NATIONAL AVIATION ACADEMY – INAPRUBAHAN NG KOMITE, RESOLUSYON PARA MAPABUTI ANG PAG-AKSES SA MATAAS NA EDUKASYON, TINALAKAY 


Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Higher at Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go ang House Bill 7323, o ang panukalang "National Aviation Academy of the Philippines (NAAP) Charter." Ang panukalang batas, na inihain ni KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo, ay naglalayong ideklara ang Philippine State College of Aeronautics (PhilSCA), bilang pambansang propesyonal na institusyon para sa aviation, na kilalanin bilang National Aviation Academy of the Philippines (NAAP). Ang NAAP ay inaasahang magiging isang institusyong propesyonal ng pamahalaan na mag-aalok ng aeronautics, at edukasyon na may kaugnayan sa aviation. Lumikha din ang Komite ng Technical Working Group (TWG) upang higit pang talakayin ang mga HBs 6008, 6771, at 7120, na naglalayong magtatag ng mga kolehiyo ng medisina, partikular sa Samar State University, Sultan Kudarat State University, at Aklan State University. Ang mga hakbang ay inihain nina Samar Rep. Reynolds Michael Tan, Rep. Princess Rihan Sakaluran, at Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr., ayon sa pagkakabanggit. Sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero De Vera III na hindi tumututol ang CHED sa mga iminungkahing hakbang, basta't sumusunod ang mga ito sa mga pamantayang kinakailangan para sa mga pampubliko at pribadong unibersidad. Binanggit ni Chairperson De Vera bilang isa sa mga kinakailangan, ang pagkakaroon at operasyon ng isang tertiary hospital na may apat na espesyalisasyon, na mas angkop sa loob ng rehiyon kung hindi man sa loob ng lalawigan, upang magsilbing training hospital para sa mga iminungkahing kolehiyo ng medisina. Tinalakay din ng Komite ang House Resolution 767, na nananawagan sa pamahalaan na dagdagan ang mga scholarship, at iba pang pondo para sa tertiary education. Inihain ni Senior Deputy Minority Leader Paul Ruiz Daza ang resolusyon, na humihimok ng mga reporma at pananagutan mula sa CHED. Binigyang-diin niya ang Section 7 ng Republic Act (RA) 10931, o ang "Universal Access to Quality Tertiary Education Act" na humihimok sa CHED at sa pamahalaan na magbigay ng living allowances para sa mga kwalipikadong mahihirap na mag-aaral, upang ma-subsidize ng Tertiary Educational Scholarship (TES). Ibinunyag ni Rep. Daza na ang CHED ay tumatanggap ng P2 hanggang P3 bilyon taun-taon mula sa Higher Education Development Fund (HEDF), na dapat ding gamitin para ma-subsidize ang living allowance ng mga mag-aaral. Ipinaliwanag ni Chairman De Vera na ang mga realignment at pagbawas ng badyet sa mga nakaraang taon, gayundin ang mga prayoridad ng TES ng batas, ay humahadlang sa ganap na pagpapatupad ng RA 10931.


MGA PANUKALANG PAGPAPALAWIG NG AMNESTIYA SA ESTATE TAX, MULING PAGTUKOY SA ILLEGAL RECRUITMENT, AT IBA PA, APRUBADO SA KAPULUNGAN 


Nagkakaisang inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Lunes, sa pabor na botong 259, sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 7909, na naglalayong palawigin ang sakop at panahon ng paggamit ng Estate Tax Amnesty, mula ika-14 ng Hunyo 2023 hanggang ika-14 ng Hunyo 2025. Kapag naisabatas, palalawigin rin nito ang sakop mula sa mga namayapa noon, o bago ang ika-31 ng Disyembre 2017 hanggang ika-31 ng Disyembre 2021. Ilan sa mga may-akda ng panukala ay sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at Committee on Accounts Chairperson Rep. Yedda Marie Romualdez. Aprubado rin sa Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa, na may 260 pabor na boto, ang HB 7718, na muling tumutukoy sa ‘crime of illegal recruitment committed by a syndicate.’ Sa ilalim ng panukala, ang recruitment na isinagawa ng dalawa o mas higit pang bilang ng tao na hindi lisensyado o hindi naghahawak ng anumang kapangyarihan, ay itinuturing na illegal recruitment na isinagawa ng isang sindikato. Itinuturing rin sa panukala na ang large scale illegal recruitment bilang isang paglabag na may kaugnayan sa pagsabotahe sa ekonomiya. Ang iba pang mga panukala na pasado sa huling pagbasa ay: 1) HB 7721, na nagmamandato sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magdisenyo at magpatupad ng technical-vocational education and training and livelihood programs para sa mga ginamot na mga drug dependents; 2) HB 7744, na magpapalakas ng pagpapatuloy ng kaunlarang propesyonalismo ng mga propesyonal na Pilipino bilang pangunahing bahagi ng career progression at specialization programs; at 3) HB 7763, na nagdedeklara sa ika-9 ng Agosto ng bawat taon bilang Philippines-Israel Friendship Day. Pinangunahan nina Deputy Speakers Isidro Ungab at Camille Villar ang sesyon sa plenaryo.

Isa Umali / May 15, 2023


Sa botong 259-pabor; at walang tumutol at nag-abstain…


Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7909 o panukalang palawigin ang “Estate Tax Amnesty” hanggang June 14, 2025.


Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pangunahahing may-akda ng House Bill --- sa “extension” ay mabibigyan ng mas mahabang panahon ang ating mga kababayan na makapag-avail ng amnestiya nang may mababang “tax rates.” 


Saklaw ng panukala ang mga estate o naiwang ari-arian ng mga indibidwal na pumanaw noon o bago ang Dec. 31, 2021.


Sinabi ni Romualdez na batay sa datos mula kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda, aabot sa 1 milyong pamilya ang posibleng makinabang sa pagpapalawig ng Estate Tax Amnesty.


Aniya, marami sa mga pamilya ito ay hindi pa ganap na nakakabangon mula sa COVID-19 pandemic. Pero ang kasalukuyang deadline ay isang buwan na lamang o sa June 14, 2023. Kaya naman kailangang-kailangan talaga ng extension.


Umapela naman si Romualdez sa mga benepisyaryo na samantalahin ang amnestiya, sakaling maging ganap na batas ang panukala at maipatupad.


Hinimok din niya ang Bureau of Internal Revenue o BIR na gawing simple ang proseso ng aplikasyon para sa amnestiya, pahintulutan ang “online filing” lalo na para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs.


MGA PANUKALA NA MAG-AAMYENDA SA BATAS NA NAGBIBIGAY PROTEKSYON SA MGA BATA LABAN SA PAG-ABUSO, PAGSASAMANTALA AT DISKRIMINASYON, PAGSASAMA-SAMAHIN NG KOMITE

 

Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Welfare of Children sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni BHW Rep. Angelica Natasha Co, ang pagsasama-sama ng apat na panukala na naglalayong magpataw ng mas mahihigpit na parusa sa mga lalabag sa Republic Act (RA) 7160, na naamyendahan na, at kilala bilang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Ang mga pagsasama-samahin ay ang: 1) House Bill (HB) 226, na inihain ni Bataan Rep. Geraldine Roman, na nagpapataw ng mas mahigpit na parusa para sa pag-abuso sa bata, pagsasamantala at diskriminasyon; 2) HBs 2747, na inihain ni ANG PROBINSIYANO Rep. Alfred Delos Santos at HB 5934, ni MALASAKIT@BAYANIHAN Rep. Anthony Rolando Golez Jr., na naglalayong amyendahan ang Section 5 (Child Prostitution and Other Sexual Abuse) ng RA 7610, sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mabibigat na parusa, upang matiyak ang proteksyon ng mga bata mula sa sekswal na pag-abuso; at 3) HB 5140, na inihain ni CIBAC Rep. Eduardo ‘Bro. Eddie’ Villanueva, na nag-aamyenda sa Seksyon 16 ng RA 7610, na naamyendhan na, sa pamamagitan ng pagpataw ng parehong pagkakulong at multa para sa bawat pagkakataon na ang isang bata ay may trabaho, maliban sa mga pagkakataong itinakda ng batas. Idiniin ni Rep. Co na, “It is about time we look into the existing laws that need refinement, updating or amendment to deter the commission of offenses prejudicial to the welfare of children. We must send a strong message that violence against children is underneath odious and that there is a grave penalty imposed under the law that punishes it.” Binanggit niya ang Child Protection Data na nagpapakita ng kabuuang 3,139 na kaso ng karahasan laban sa mga bata, na iniulat sa panahon ng ika-1 ng Enero 2023 hanggang ika-30 ng Abril 2023. Sa bilang na ito, 2,276 ay mga kaso ng sekswal na pag-abuso o pag-atake, 311 ay mga kaso ng pisikal na pag-abuso o pag-atake, 199 na kaso ng pagpapabaya, anim na online na kaso ng sekswal na pag-abuso sa bata, isang pangingikil, at apat na kaso ng trafficking ng bata. May ilan pang 118 na ulat ng hindi napatunayang mga kaso ng pag-abuso habang ang iba pang mga kaso na nananatiling hindi pa natukoy, aniya.  Ayon kay Rep. Co, tungkulin ng mga mambabatas na dinggin ang lahat ng naaangkop na mga panukala upang protektahan ang mga bata mula sa lahat ng uri ng karahasan, pag-abuso, kapabayaan at pagsasamantala at iba pa, alinsunod sa Artikulo 19 ng UN Convention on the Rights of the Child. Muli rin niyang pinagtibay ang pangako ng Komite na protektahan ang mga bata mula sa pag-abuso, pagsasamantala, trafficking at karahasan, ng target 16.2 ng Sustainable Development Goals. Ipinahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Bureau Director Miramel Garcia-Laxa na buo ang suporta ng DSWD sa panukalang pag-amyenda sa RA 7610, partikular sa pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagkasala nito. Hiniling din niya ang karagdagang badyet para sa mga lokal na konseho para sa proteksyon ng mga bata. Ang pinagsama-samang bersyon ay ipi-prisinta sa susunod na pagdinig para pagtibayin ng Komite.

Xxxxxxx


Sa pag-dinig House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni Foreign Affairs Usec. Eduardo De Vega, na lilipad pa-kuwait ngayong hapon ang ilang kinatawan ng Pilipinas upang linawin ang isyu sa visa ban o entry ban sa mga Pilipino ng naturang bansa.


Kailangan aniya na magkaliwanagan sa pamamagitan ng diplomatikong pag-uusap kung bakit ipinatupad ng Kuwaiti government ang naturang kautusan.


Mahalaga rin aniya na malinawan kung ano naman ang mangyayari sa mga ipinapadalang skilled workers ng Pilipinas papuntang Kuwait na hindi na makakapasok doon.


“We’re sending a team, DFA, DMW, at OWWA, to sit down with the Kuwaitis and see how we can move forward because we have to see what actually are the things they have been complaining about.” Ani de Vega


Ayon naman kay DMW Usec. Hans Leo Cacdac, tanging mga new hires lamang ang sakop ng visa o entry ban sa Kuwait.


Batay aniya sa kanilang pagtaya, nasa 800 na new hires ang posibleng maapektuhan nito.


Sa ngayon nasa 9 na OFW na hindi nakapasok sa Kuwait ang natulungan ng DMW.


Ang mga apektado naman OFW ay hinahanapan na rin nial ng alternatibong deployment country.


“Itong suspension on new issuance of entry visas pertains to mga bagong salta  sa Kuwait, mga bagong hires at hindi po covered yung mga tinatawag na return hires o balik manggagawa. Kasi sila po ay in possession of their proof of residency o national residency ID na hinahanap pagdating sa immigration…sa ngayon ang figure that we have is around 800 who have been issued overseas employment clearances o certificates.” paglilinaw ni Cacdac


Isa sa nakikitang dahilan ng dalawang opisyal kung bakit ipinatupad ng Kuwaiti government ang naturang entry ban ay dahil sa temporary deployment ban ng Pilipinas sa household service workers.


“Let’s just say that obviously this is their response, a message being sent by Kuwait that they want us to lift the ban [on household service workers] as soon as possible. Parang sinasabi nila, ‘okay, ayaw niyo sa amin, ayaw niyo magpadala ng kasambahay, huwag na kayong magpadala ngk ahit anong manggagawa…ang tanong niyan, paano tayo sasagot sa message nila?...ang tingin ko po ang sagot natin just like the way we protect our national territory, our economici interest, ang cultural values, - we’ll always resolve things in diplomacy but not at the expense of the national pride and honor.” diin ni de Vega.


##

Isa Umali / May 15


Nakikita ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magiging “stable” o matatag ang presyo ng kuryente at mababawasan ang brownouts, kasunod ng pagpapalawig ng Malampaya Service Agreement.


Sa isang pahayag, sinabi ng Lider ng Kamara na kanyang ikinalulugod ang “renewal” ng kasunduan para sa Malampaya Service Contract No. 38 (SC 38), lalo’t ito ay makakabawas sa “dependence” sa imported na mga krudo.


Pinaka-mahalaga aniya, ito ay makakatulong para mapataas ang “power reserves” at magbebenepisyo ang mga negosyo at mga Pilipino na naapektuhan ng mataas na halaga ng kuryente at mga nakalipas na brownouts sa iba’t ibang lugar.


Si Romualdez ay kabilang sa mga opisyal ng pamahalaan na nakasaksi sa paglagda ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang ng renewal ng Malampaya Service Agreement.


Nakatakda sanang ma-paso sa Feb. 22, 2024 ang kasunduan, pero dahil sa pagpirma ng Presidente sa renewal ay mapapalawig na ito ng 15 taon.


Ani Romualdez, batid naman na ang Malampaya gas field ay naglalaan ng “significant portion” sa “energy requirement” sa ating bansa.


Mismong ang Pangulo ang nagsabi na naglalaan ang Malampaya ng 20% na langis sa kailangang kuryente ng Luzon.


Tiniyak naman ni Romualdez na patuloy na susuportahan ng Kamara ang Marcos administration, kasama na ang agenda para maisulong ang seguridad sa enerhiya, pati ang isinusulong na amyenda ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA.

Isa Umali / May 15, 2023


Itinutulak ni Quezon City 5th district Rep. Patrick Michael Vargas sa Kamara ang kanyang House Bill 1681 o “Former Prisoners Employment Act.”


Layon ng panukala na mabigyan ng trabaho at oportunidad ang mga “ex-convict,” at matiyak ang produktibo at “crime-free” na buhay nila sa komunidad.


Paliwanag ni Vargas, kapag nakalaya na ang mga bilanggo ay karaniwan silang nahaharap sa iba’t ibang hamon, gaya na lamang ng “stigma” o kaya’y diskriminasyon. Dahil dito, nahihirapan silang makapasok sa trabaho, lalo na kung kulang din sila sa edukasyon.


Kaya naman giit ng kongresista, mabuting tumulong ang pamahalaan o mga institusyon at bigyan ng ikalawang pagkakataon sa buhay ang mga dating preso.


Kapag naging ganap na batas ang House Bill ni Vargas, bubuo ng isang Office of Employment Opportunities for Former Prisoners, sa ilalim ng Department of Justice o DOJ.


Nakasaad pa rito na ang mga pribadong negosyo na magha-hire o tatanggap sa mga dating bilanggo sa trabaho ay pagkakalooban ng insentibo tulad ng “tax credit.”


Ang inisyal na implementasyon ng batas ay pinapopondohan ng P100 million.

Isa Umali / May 15, 2023


Inirekomenda ni House Committee on Constitutional Amendments chairman at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Philippine Coast Guard o PCG na bakuran na ng navigation markers o mga boya ang buong West Philippine Sea o WPS, upang igiit ang soberenya ng Pilipinas sa nasabing teritoryo.


Inihayag ito ni Rodriguez matapos maglagay ang PCG ng mga boya sa 5 islet at reef sa Spratly Islands, na inaangkin ng China gayung nasa loob ito ng 200 nautical miles exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas.


Ayon sa beteranong mambabatas, dapat na maglagay ang PCG na mas marami pang boya sa WPS --- mula sa hilagang bahagi ng bansa sa Ilocos Region hanggang sa parteng timog sa Palawan dahil ito ang lawak ng teritoryo ng Pilipinas.


Bukod aniya sa Spratly Islands, dapat din aniyang maglagay ng mga boya sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na nasa 120 miles mula sa Zambales at Pangasinan at “traditional fishing ground” ng mga mangingisdang Pilipino.


Ani Rodriguez, ang mga marker na ito ay magsisilbing “warning” o babala sa China at iba pang mga bansa na umaako sa mga teritoryo ng ating bansa.


Kung tutuusin din aniya ay dapat na lumayas ang mga barko ng China sa teritoryo ng Pilipinas.


Sinabi ng kongresista na maaaring bumili ang PCG ng mas maraming boya, at isama na rin ang budget proposal nito sa Department of Budget at Management o DBM at sa Kongreso.


Uubra namang tumulong ang Philippine Navy sa paglalagay ng mga boya sa WPS. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home