Friday, August 18, 2023

2024 BADYET NG PAGCOR SINIYASAT, MAHIGPIT NA PATAKARAN PARA SA INDUSTRIYA NG POGO HINILING NG KOMITE NG APPROPRIATIONS 


Siniyasat ngayong Lunes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co ng AKO BICOL Party-list, ang badyet ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bilang bahagi ng mga talakayan hinggil sa 2024 pambansang badyet ng pamahalaan. 


Binigyang-diin ni Rep. Co ang kahalagahan ng tamang regulasyon, upang mapakinabangan ng husto ng pamahalaan ang kita sa buwis sa pagsusugal. 


"The government must implement comprehensive regulatory frameworks that ensure fair play, responsible gaming and the prevention of criminal activities like money laundering," aniya. 


Ayon kay Chairperson at Chief Executive Officer (CEO) Alejandro Tengco, kabilang sa mga prayoridad ng PAGCOR sa 2024 ay ang pagtaas ng kontribusyon nito sa kita ng pambansang pamahalaan at pagsisikap sa pag-unlad ng bansa. 


Bilang karagdagan, nilalayon nitong pahusayin ang antas ng paggamit ng badyet ng ahensya, pataasin ang kabuuang kita sa paglalaro, at ginagarantiyahan ang pagkolekta ng mga bayarin sa lisensya at regulasyon. 


Ang pangunahing tanong sa PAGCOR ay tungkol sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), kasama ang kanilang legal na katayuan at paglilisensya. Ilang mambabatas ang nagpahayag ng pagkabahala hinggil sa mga problema sa lipunan dulot ng POGO, kabilang ang money laundering, prostitusyon, human trafficking, pagdukot, at iba pa. 


Bilang tugon, sinabi ni Chairman Tengco na ang isang bagong istruktura ng regulasyon ay naitayo na para sa industriya ng POGO, upang matiyak ang mahigpit na pagsunod at pangangasiwa. 


Dagdag pa rito, lahat ng POGO licensees at kanilang mga sublicensees ay nabigyan na ng probationary status ng PAGCOR. Mayroong 32 pangunahing lisensya ng POGO at 106 na service provider sa kasalukuyan. 


Kasama sa pagdinig sina Committee Senior Vice-Chairperson Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo at Vice Chairperson AKO-BICOL Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home