P2B INILAAN NI SPEAKER ROMUALDEZ UPANG TULUNGAN ANG MGA RICE RETAILERS NA APEKTADO NG PAGLALAGAY NG HANGGANAN SA HALAGA NITO
Inutusan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan na maglaan ng P2 bilyon, upang matulungan ang mga nagtitingi ng bigas na apektado ng inilagay na hangganan sa halaga nito, na ipinatupad ng Malacañang noong Biyernes.
Binigyang-diin ni Speaker ang kahalagahan ng nasabing direktiba sa pamamagitan ng personal na pagbibigay ng utos kay Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, chairman ng Komite ng Appropriations, na agad na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa kagyat na alokasyon ng P2 bilyong pondo para sa mga nagtitingi ng bigas.
“Our goal is to ensure that we can extend assistance to rice retailers who may be affected by this rice price ceiling, as it is a directive from our President aimed at protecting consumers,” giit ni Speaker Romualdez.
Para kay Co, hindi siya nag-aksaya ng panahon at kagyat na nakipag-ugnayan sa DBM sa ilalim ni Secretary Amenah Pangandaman, na agad na humanap ng paraan para sa alokasyon ng naturang pondo.
“We will promptly engage with the DBM to expedite the release of the P2 billion funds for our rice retailers,” pagtitiyak ni Co.
Binigyang halaga ni Speaker Romualdez, pinuno ng 311-miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na ang kanyang inisyatiba ay nagpapakita lamang ng hindi natitinag na paninindigan ng Kapulungan sa pagpapatatag at pagpapalago ng mahalagang supply chains sa pagkain.
Nauna nang ipinahayag ni Speaker ang kanyang plano na manawagan sa mga lider ng mga nagtitingi ng bigas sa buong kapuluan ngayong linggo, upang pakinggan ang kanilang mga hinaing hinggil sa potensyal na pagkalugi, sanhi ng paglalagay ng hangganan sa halaga ng bigas.
"The government is not insensitive, so we want to listen to their concerns, and we will try to find a solution to address their fears of incurring losses,” ani Speaker.
“We are aware that they have high costs from traders, but our priority is the public's difficulty in buying rice," dagdag niya.
Inisyu ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 39, na nagtatakda sa halaga ng bigas sa halagang P41.00 kada kilo para sa regular milled na bigas at P45.00 para sa well-milled na bigas simula sa ika-5 ng Setyembre. Ang hakbang ng pamahalaan ay resulta ng mga nakalap na impormasyon na nagbubulgar sa ilang mga walang konsiyensyang neghosyante ng bigas na nagpaplanong itaas ang halaga ng bigas hanggang P70.00 kada kilo.
Ikinumpara ni Speaker Romualdez ang naturang sitwasyon sa halaga ng sibuyas nang itaas ng mga kartel ng sibuyas ang halaga nito sa P800.00 kada kilo.
“Naturally, the President had to act swiftly to counter this ill-intentioned plan by a select few,” giit ni Speaker Romualdez.
Subalit nagpahayag ang mga nagtitingi ng bigas ng pag-aalinlangan, dahil ang kanilang bili sa bigas sa mga negosyante ay umaabot na sa P50.00 kada kilo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home