DATING KAWANI NG LTFRB, PINATAWAN NG CONTEMPT NG KOMITE NG TRANSPORTASYON NG KAPULUNGAN
Pinatawan ng contempt ng Komite ng Transportasyon ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, si G. Jeffrey Tumbado sa motu proprio nitong pagdinig ngayong Lunes, sa umano'y anomalya at iregularidad sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ipinag-utos siyang ikulong ng 10 araw sa loob ng Kapulungan.
Nagmosyon si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta na i-contempt si Mr. Tumbado dahil sa kawalan ng respeto nito sa pagdinig ng Komite, na nakahadlang sa kanila upang matiyak kung totoong may mga iregularidad sa LTFRB.
“We cannot rely on the answers of this witness or this resource person Mr. Chair, there were several questions asked, and I was here and was earnestly listening to the answers. I hoped we were able to get something from him but we failed to do that," ani Rep. Marcoleta.
May ilang linggo na ang nakalilipas, ng naglabas ng mga alegasyon ng mga anomalya at iregularidad si G. Tumbado, dating kawani ng LTFRB, kabilang ang panunuhol, "routes for sale," at ang pagbibigay ng pagkiling sa mga papeles ng prangkisa at mga espesyal na permit.
Gayunman, hindi siya nakapagprisinta ng ebidensya at patunayan ang kanyang mga alegasyon, lalo na laban kay suspendidong LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III habang nasa pagdinig, na ikinainis ng ilang mambabatas.
Humingi ng paumanhin si G. Tumbado kina Atty. Guadiz at Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa pagsangkot sa kanila sa umano'y katiwalian sa loob ng LTFRB.
Aniya, ang mga nauna niyang alegasyon laban kay Atty. Guadiz ay dahil sa sama ng loob, hindi pagkakaunawaan at kawalan ng kakayahan na gumawa ng tamang desisyon.
Gayunpaman, naninindigan siya na nananatili ang korapsyon at iregularidad sa LTFRB. Iginiit naman ni G. Tumbado ang kanyang karapatan laban sa self-incrimination sa pagtatanong ni Rep. Acop, at lantarang umamin na ang kanyang mga sagot ay maaaring direktang magsangkot sa kanya sa mga alegasyon niya laban sa LTFRB.
"You are equally guilty kung meron mang guilty sa LTFRB. Nandoon ka na e, kasama ka, sumama lang ang loob mo," pagtatapos ni Rep. Acop. Ipinagtapat pa ni G. Tumbado na "spliced" ang mga ebidensya na iniharap niya na nagpapakita ng pag-uusap nila ni Atty. Guadiz.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni Atty. Guadiz na tinitingnan din niya ang paghahain ng mga posibleng kaso laban kay G. Tumbado dahil sa kanyang mga alegasyon.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home