DEATH PENALTY BILL PARA SA MGA DRUG TRAFFICKER, MULING BINUHAY SA KAMARA
Matapos masabat ang tinatayang P3.6 billion pesos na halaga ng shabu sa Pampanga kamakailan, isinulong muli sa Kamara ang panukalang patawan ng parusang kamatayan ang mga sangkot sa drug trafficking.
Naniniwala si Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na death penalty ang solusyon para matigil ang pagpupuslit ng iligal na droga sa bansa.
Sinabi ni Barbers na baka pwedeng muling pag-aralan at talakayin ang panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa lalo na ang mga sangkot sa drug trafficking.
Ayon kay Barbers, kung may parusang kamatayan sa Pilipinas, magdadalawang isip ang mga sindikato na magpuslit ng iligal na droga sa bansa.
Kailangan din aniya na ireporma ang law enforcement units ng bansa at kung kinakailangan ay isalang sa “morality seminar” ang mga ito para maintindihan ang kahalagahan ng kanilang trabaho.
Nauna rito, pinaiimbestigahan na sa Kamara ang dalawang magkasunod na insidente ng pagkaka-kumpiska ng bilyon pisong halaga ng iligal na droga sa lalawigan ng Pampanga.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home