MGA PANUKALA NA NAGLALAYONG GAWING MODERNO ANG SISTEMA NG CIVIL REGISTRATION, PAGSASAMA-SAMAHIN
Inaprubahan ngayong Martes ng Komite ng Population and Family Relations sa Kamara, na pinamumunuan ni Isabela Rep. Ian Paul Dy, ang pagbalangkas ng isang substitute bill sa tatlong mga panukala na naglalayong magtatag ng isang komprehensibo at tumugugon na civil registration and vital statistics (CRVS) system.
Sa pulong na pinamunuan ni Committee vice chairperson at United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino Magsaysay, inatasan niya ang committee secretary na si Lita Magnaye na mag draft ng consolidated version ng mga House Bills 4480 na inihain ni Rep. Ernesto Dionisio Jr., 8823 na iniakda ni Rep. Faustino “Inno” Dy at 9572 na iniakda nina Speaker Martin Romualdez, Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co. Sa explanatory note ng HB 9572, sinabi ni Speaker Romualdez na ang civil registration ay nagsisilbing pangunahing paraan sa mga indibiduwal na magtatag ng ligal na pagkakakilanlan, civil status at family relations.
Kaya’t ang civil registration ay napakahalaga sa pag-akses sa kalusugan, edukasyon at iba pang pampublikong serbisyong panglipunan.
Sa kabilang dako, sinabi niya na ang vital statistics ay naghahayag ng mahalagang demographic at impormasyong pangkalusugan para sa mga nagbabalangkas ng mga patakaran.
Ipinaliwanag ni Speaker na umaabot ng tatlong taon sa Pilipinas, para makagawa ng ganap na ulat ng vital statistics, gamit ang civil registration bilang pinagkukunan ng mga datos.
“In the interim period, some vital statistics based on civil registration records are released on varying timeframes, including birth, marriage, and some mortality indicators,” aniya.
Upang mapaunlad ang CRVS system ng bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na layon ng HB 9572 na magtatag ng mas episyente, inklusibong pamantayan at modernong sistema na may pinaigting na nasasakupan at pinaunlad na paglahok mula sa barangay.
Bukod pa rito, isasama rin ang mga pandaidigang balangkas sa karapatang pantao, at maaaring gamitin bilang katibayan para sa mga polisiya sa lipunan, ekonomiya at kalusugan.
Gagawin ring simple ng panukala ang mga proseso sa pagtatala ng mga pangunahing aktibidad. Imamandato ng panukala ang digitalisasyon ng mga talaan, kabilang ang libreng rehistrasyon ng mga mahahalagang civil registry events, at delayed registration program, ayon pa sa kanya.
Nagpahayag naman ng suporta sa mga panukala ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya, kasama si Undersecretary Lisa Grace Bersales ng Commission on Population and Development (CPD).
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home