Rye
Pagbabago sa ekonomiya makakatulong upang mapabuti ang pamumuhunan sa Pilipinas -ayon sa ekonomista
Napapanahon na ang pagkakaroon ng estratehikong mga pagbabago sa 1987 Constitution at pagtanggap ng komprehensibong mga reporma sa ekonomiya upang mapabuti ang klima ng pamumuhunan sa bansa.
Ito ang ipinaliwanag ni National Scientist Raul Fabella, isang Professor ng University of the Philippines School of Economics, sa kalipunan ng mga mambabatas sa isang forum kamaikailan, kung saan ipinipresenta ang kaniyang inakdang pag-aaral na may titulong “PH Investment Rate: Why are we far behind? How do we rebound?”.
Ang pagtitipon ay inorganisa ng House of Representatives Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr. kasama si Markina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations.
Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Professor Fabella ang nakakabahalang katotohanan ng investment rate ng Pilipinas, na nasa pinakamababa kumpara sa mga bansa sa ASEAN, na nasa 22.4 porsyento.
Kabilang na ang mga bansa tulad ng Thailand, Indonesia, at Vietnam na may mas mataas na investment rate, habang ang investment rate ng China ay umabot sa pagitan ng 34-50 porsyento sa mga nakaraang taon.
Binanggit niya na ang pagkakaibang ito ay nagpapakita ng mas malaking pagkonsumo sa halip na sa pamumuhunan, na nagreresulta sa mababang antas ng pag-iimpok at isang "anti-investment ecology."
“All economic progress boils down to investment. Countries that invest less will over time eat the dust of countries that invest more,” paliwanag pa ni Fabella.
Una na ring kinilala ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at ng mga ekonomista ng pamahalaan ang higit na pangangailangan ng pagbabago sa mga limitadong probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution bilang pangunahing hakbang na iangat ang bansa mula sa ibabang position sa larangan ng pagpasok ng pamumuhunan.
Layunin ng mga pagbabagong ito na paluwagin ang mahahalagang sektor, nagbibigay daan sa mas maraming foreign direct investments (FDIs), at magtataguyod ng isang masiglang kapaligiran sa ekonomiya para sa pag-unlad at pagbabago.
Binigyang-diin ni Prof. Fabella ang mga hamong kinakaharap ng ekonomiya ng Pilipinas, kabilang na ang mataas na gastusin sa kuryente, bureaucratic inefficiency, katiwalian, at kakulangan sa mga imprastruktura.
Aniya, sa tatlong taon matapos ipatupad CREATE 2 tax law, na layuning palakasin ang pamumuhunan, ay hirap pa ring umabot sa 25 porsiyento ang investment rate ng bansa.
Sinabi pa ni Fabella na ang tungkulin ng kasalukuyan at susunod na administrasyon, ay "maibalik ang bansa sa kompetisyon ng investment.
Ang anti-investment ecology, aniya, ay ang dahilan ng economic cluster closures.
Ang sektor ng agrikultura ay nagsara sa malalaking pribadong mamumuhunan dahil sa kaguluhan sa mga karapatan sa ari-arian na nagmula sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at nagresulta sa paghihiwa-hiwalay ng mga lupain. Binago rin ng CARP, ang proseso sa paraan pagbili ng mga lupain at pagpapautang.
Ipinagbawal din ang pagmimina at forestry para sa pribadong mamumuhunan sa bansa at sa mga banyaga sa mga nakalipas na dekada.
Isang halimbawa ang $6B Tampakan gold at copper mine project na hanggang ngayon ay nasa balag pa rin alanganin makaraan ang 40 taon dahil sa mga hindi pa nasosolusyunang usapin.
Makikita rin ang anti-investment ecology ng bansa sa pananatili ng mataas na presyo ng kuryente. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na halaga ng kuryente sa ASEAN para sa malalaking negosyo maliban sa Singapore, ngunit may pinakamababang presyo ng kuryente sa mga kabahaya.
Gayundin ang umiiral na burukrasya at katiwalian kung saan ang mga investor ay kailangang dumaan sa 172 lagda at pagkaantala ng pagpaparehistro ng kanilang mga kumpanya.
Napag-iiwanan din ang mga imprastruktura sa Pilipinas kumpara sa mga bansa sa ASEAN.
Bilang tugon da mga problemang ito, iminumungkahi ni Fabella ang ilang mga hakbang, tulad ng pagbaba ng presyo sa kuryente, pagsusulong ng mga pamumuhunan sa agrikultura sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga limitasyon sa pag-aari ng lupa, at pagtutok ng mga estratehiyang pinansyal sa pagpapalakas ng mga maliit na sakahan.
Isa sa mahalagang hakbang sa pagpabuti ng investment climate aniya, ay sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga limitasyon sa dayuhang pagmamay-ari sa mga business enterprise, na kabilang sa isinasaad sa Section 11 ng Article 12 ng 1987 Constitution.
Ang mga nabanggit, at sa tulong ng pagsisikap ng lehislatura na mapadali ang pakikilahok ng mga dayuhan sa ekonomiya ang makapagbibigay ng tiwala sa mga potensyal na mamumuhunan at maengganyo sa paglalagay ng negosyo sa Pilipinas para sa pangmatagalang pagpapalago at pag-unlad ng mga negosyo sa bansa. Ito ay nagbibigyang-diin sa paglipat mula sa mga pamumuhunan sa portfolio tungo sa FDIs.
Hinimok ni Professor Fabella ang lahat ng stakeholders, kabilang na business community, civil society, at ang publiko, na suportahan ang mga hakbang na naglalayong baguhin ang sistema tungo sa pag-unlad.
Sa pamamagitan ng nagkakaisang pagsisikap, aniya, maaaring palakasin ng Pilipinas ang isang pro-investment ecology, mapatatg ang pag-unlad ng ekonomiya, paglikha ng mga trabaho, at pagsulong sa teknolohiya. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home