KATATAGAN NG MGA PILIPINO SA KABILA NG TUMATAAS NA HALAGA NG MGA BILIHIN AT NAGBABAGANG INIT NG PANAHON, PINURI NG MAMBABATAS
Nagpugay si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa katatagan ng mga Pilipino sa harap ng tumataas na halaga ng mga bilihin at matinding init ng panahon, sa idinaos na flag raising ceremony sa Kamara ngayong Lunes. “Hindi nagpapatinag ang mga Pilipino kailanman. In the face of challenges, from the rising prices of goods to the scorching heat of the sun, we endure, we adapt and most importantly, we flourish. Ang pinakamatibay na ebidensiya nito, ngayong buwan ng Mayo, sunod sunod ang mga fiesta ng mga Santacruzan o Flores de Mayo. Sa gitna ng mga mabibigat na problems, kinakaya pa natin maging maligaya. Ganyan ang Pilipino,” ayon kay Quimbo. Sinabi ng senior vice chairperson ng Komite ng appropriations sa Kamara, na ang mga pyesta at mga pagdiriwang ay nagbabahagi ng saya, inilalapit ang mga mamamayan sa kanilang mga mahal sa buhay, at iniuugnay sa kanilang mga pinanggalingan. Kinilala rin ni Quimbo na ang mga aktibidad na ito ay magandang paraan upang isulong ang turismo at lumikha ng kita, at idinagdag na, “additional income always pave the way for more possible solutions to problems.” Binanggit niya ang masayang Ati-Atihan sa Aklan, ang maningning na Sinulog Festival sa Cebu, at ang makulay na Panagbenga sa Lungsod ng Baguio, bilang mga kilalang pyesta sa bansa. Hinimok ni Quimbo ang mga nag-oorganisa na muling tingnan ang mga pagdiriwang ng pyesta, at ibagay ito sa nagbabagong panahon. “Pag-isipan natin kung mahalaga ba ang mga values na iiwan ng mga fiesta lalong lalo na sa mga kabataan ganun din sa mga nakatatanda. Kung masyadong makaluma o hindi na napapanahon pwede na sigurong lumipat sa Version 2.0,” aniya. Ibinahagi niya kung papaano ang taunang Shoe Festival sa Lungsod ng Marikina ay nagbibigay ng mga oportunidad sa mga lokal na gumagawa ng sapatos, upang itanghal ang kanilang mga kalidad na produkto. “Bawat taon, nabibigyan po ng pagkakataon ang mga sapatero upang ipagmalaki ang mga de kalidad at naggagandahan nilang mga sapatos. Sa kasamaang palad, marami na pong pagawaan ng sapatos ang nagsara dahil mas mura ang imported na sapatos mula sa ibang bansa tulad ng China. Hence, we recognize that celebrating our artisanship and artistry goes beyond this annual celebration,” ani Quimbo, at idinagdag na ang mga nagbabagong polisiya, at maagap na mga hakbang na tunay na nagbibigay kapangyarihan sa mga lokal na tagagawa ang kinakailangan upang lubos na masuportahan ang industriya ng sapatos at iugnay sila sa pandaigdihang merkado. Nanawagan siya sa bawat isa na lumahok sa mga pagdiriwang ng mga kapyestahan. “Fiestas cannot be counterproductive. Dapat magkasama lahat, dapat i-enjoy natin ito. The important thing is festivals promote the spirit of unity,” aniya. Ang flag raising ceremony ngayong Lunes ay inorganisa ng Administrative Department na pinamumunuan ni OIC-Deputy Secretary General Atty. Jennelyn Go-Sison at ng Congressional Policy and Budget Research Department, sa pamumuno ni Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr. Nagtanghal rin ang Administrative Department Choir at ang Metro Manila Development Authority Drum and Bugle Corps sa aktibidad.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home