Thursday, May 09, 2024

MGA PAG-AALALA NG MGA NAGSUSULONG, INIHAYAG SA LUPON NG KAMARA NA TUMATALAKAY SA WAGE HIKE PROPOSAL


Muling ipinagpatuloy ngayong Miyerkules ng Komite ng Labor and Employment sa Kamara, na pinamumunuan ni Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, ang kanilang deliberasyon sa mga House Bills (HBs) 514, 7871 at 7568, na naglalayong dagdagan ang mga sahod ng mga kawani at mga manggagawa sa pribadong sektor. 


Binigyan ng pagkakataon ang mga opisyal mula sa pribadong sektor, labor groups at civil society organizations sa idinaos na pagdinig, na iprisinta ang kani-kanilang pananaw hinggil sa panukalang wage hike. 


Nagbabala si Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) Executive Director Maritess Jocson-Agoncillo sa Komite hinggil sa panukala, at iginiit ang potensyal na pagkawala ng trabaho at pamuhunan sa kanilang sektor na maaaring idulot ng hakbang, maaaring hilingin nila sa pamahalaan ang suporta at moratorium sa mga wage hike. 


Ayon sa kanya, kasalukuyang nahihirapan ang export sector dahil sa mahinang pangangailangan ng pandaigdigang merkado, at mga kalituhan sa mga non-tariff policies ng mga pangunahing export markets. 


Samantala, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) Director General Arturo Guerrero III na ang panukalang wage hike ay maglalagay sa panganib, hindi lamang sa mga manggagawa sa informal sector, kungdi maging sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng bansa, na kinabibilangan ng 99.5% ng mga rehistradong negosyo sa bansa. 


Ipinaliwanag niya na magdudulot ng malakihang halaga at magiging sahi ng tanggalan sa trabaho o pagsasara ng mga negosyo na may maliliit na kita, ang legislated wage hike. 


Hindi naman sang-ayon si Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Vice Chairperson Luis Corral sa pananaw ng mga employer groups, at sinabing maliit lamang ang epekto sa inflation at unemployment ng panukalang wage increase. 


Binaggit niya ang legislated wage hike noong 1989, na ayon sa kanya ay hindi naman nagdulot ng malakihang tanggalan sa trabaho at inflation. 


"The fruits of their labor should go to the pockets of ever hardworking Filipino workers who have every right to work and live with dignity for the first ever legislated wage hike since 1989," ani Corral. 


Sinuportahan naman ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Elmer Labog ang P150 legislated wage increase, at kanyang nakikita na ang regionalized wage system ay isang pasakit, imbes na isang mekanismo upang maipatupad ang wage increases. 


Sa pagpapahayag ng suporta sa panukalang wage increase, iprinisinta ni Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) Executive Director Rochelle Poras ang natuklasan sa isang pag-aaral, na nagpapakita ng pagiging produktibo ng mga manggagawa na nagresulta sa 67 porsyento sa kabila ng 3.6 porsyento ng wage decrease mula taong 2000 hanggang 2022, sa umiiral na halaga simula nang 2018. 


"That is why the legislated wage increase will not undermine industries including MSMEs. It will give dignity to the workers," aniya. 


Nilinaw ni Nograles na ang talakayan sa wage hike at batay sa datos na nagmula sa mga resource speakers, na masusuing susuriin ng lupon bago sila magpasya.


——— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home