Nakahanda ang Kamara na isailalim sa briefing ang mga senador upang mapawi ang kanilang mga pangamba ukol sa panukalang amiyenda sa Rice Tariffication Law partikular sa mandato ng National Food Authority.
Sa pulong balitaan sa Kamara, kinumpirma ni House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga na nakahanda na ang committee report ng inaprubahan nilang RTL amendments.
Nauunawaan umano ni Enverga ang agam-agam ng Senado kabilang na si Senadora Cynthia Villar hinggil sa mga isyung kinasasangkutan ng NFA ngunit madadaan aniya ito sa paliwanagan o dayalogo para maplantsa ang "disagreeing provisions".
Tiwala rin ang kongresista na sa tulong ni House Speaker Martin Romualdez at maging ng Presidential Legislative Liaison Office ay maidadaan sa magandang usapan ang RTL amendments.
Punto pa ni Enverga, tanging ang NFA ang eksperto sa monitoring at registration ng mga bodega ng bigas gayundin sa pagpapahupa ng presyo nito sa merkado.
Naglagay na umano ng safeguard measures ang Kamara kabilang ang pagsisigurong "last resort" na lang ang pag-iimport ng bigas.
Sang-ayon naman si Enverga sa pahayag ni Villar na mahalagang maipasa ang Agricultural Economic Sabotage Law upang mapigilan sa pagsasamantala ng mga magsasaka at consumers ang mga middlemen at traders.
Ngunit upang maging matagumpay ito ay kailangan umanong maisabatas ang pag-amiyenda sa RTL upang mapalakas ang mandato ng NFA dahil kulang ang stabilization functions nito.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home