MGA SUBSTITUTE BILL HINGGIL SA ARAL PROGRAM AT PAGSUSPINDE SA IMPLEMENTASYON SA PAGGAMIT NG MOTHER TONGUE, APRUBADO NG KOMITE
Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Basic Education at Culture ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang dalawang mahalagang substitute bill, ito ay: 1) pagtatatag ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program at paglalaan ng pondo para dito, at 2) pagsuspinde sa pagpapatupad ng paggamit ng mother tongue bilang medium of instructions para sa kindergarten hanggang Grade 3.
Ang mga House Bills 3721, 3847, at 4240, na inihain nina Rep. Rex Gatchalian, Roman Romulo, at Gus Tambunting, ayon sa pagkakasunod, ay pinag-isa sa wala pang numero na substitute bill.
Ang ARAL Program ay naglalayong mapalapit ang agwat sa tagumpay, sa pagitan ng kasalukuyan at maaaring maging antas ng kakayahan sa pag-aaral ng mga estudyante, at upang matiyak na ang mga mag-aaral ay makabisado ang mga pangunahing kasanayan sa pagbabasa, agham, at matematika.
Ang ARAL Program ay magsisilbing pambansang programang pang-akademikong interbensyon upang tugunan ang mga usapin ng pagkawala ng pagkatuto, at mga pakikibaka sa akademiko ng mga mag-aaral sa basic education.
Sasaklawin nito ang mga sumusunod na mag-aaral: a) ang mga bumagsak sa mga eksaminasyon at pagsusulit ayon sa pagtatasa at pagsusuri ng mga guro, b) ang mga may markang nasa at bahagyang mas mataas sa minimum na antas ng mastery na kinakailangan sa pagkamit ng Most Essential Learning Competencies (MELCs), at c) ang mga nakabalik o babalik sa paaralan pagkatapos ng bakasyon.
Ang programa ay kukuha ng mga tutor mula sa alinman sa mga sumusunod: 1) mga estudyante na nasa teacher educational institution, 2) government internship program ng DOLE, 3) mga estudyante sa higher and technical-vocational educational institutions na kumukuha ng National Training Services sa ilalim ng National Service Training Program, 4) mga boluntaryo mula sa mga NGO o mga organisasyon ng civil society, at 5) mga indibidwal na boluntaryo.
Samantala, ang wala pang numero na substitute bill sa HBs 2188, kasama ang HB 3925, na inihain nina Romulo at Rep. Mark Go, ayon sa pagkakasunod-sunod, ay naglalayong tugunan ang malinaw na kakulangan ng mga learning materials sa mother tongue language sa mga paaralan, at tiyakin na masunod ang mandato ng konstitusyon na makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon na magagamit ng lahat ng mag-aaral sa pangunahing edukasyon.
Isususpinde nito ang implementasyon ng mother tongue o unang wika bilang paraan ng pagtuturo mula kindergarten hanggang Grade 3, hanggang sa oras na mapatunayan ng Department of Education (DepEd) sa Kongreso na natapos na nito ang mga aklat, kagamitan sa pagtuturo, at mga suplay upang mabisang ipatupad ang paggamit ng katutubong wika, o unang wika sa mga mag-aaral sa kindergarten hanggang Grade 3.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home