POSIBLENG KARTEL NG MGA SIBUYAS, PINA-IIMBESTIGAHAN SA KAMARA
Pinaiimbestigahan ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Quimbo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang posibleng “kartel” ng mga sibuyas sa ating bansa.
Kanyang inihain ang House Resolution 681, kung saan inaatasan ang House Committees on Economic Affairs at ang Trade and Industry na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa umano’y “anti-competitiveness practices” at isyu ng kartel sa onion industry.
Ipinunto ni Quimbo, na isa ring ekonomista, marapat na silipin ng Kamara ang mga alegasyon ng kartel ng sibuyas, lalo’t isa ito sa mga maaaring sanhi kung bakit mataas na presyo ng mga ito.
Batay aniya sa Department of Agriculture o DA --- ang presyo ng pulang sibuyas ay nasa P280 hanggang P600 kada kilo; habang ang puting sibuyas ay nasa P400 hanggang P600 kada kilo, sa iba’t ibang mga pamilihin sa Kalakhang Maynila.
Paalala ni Quimbo, ang posibilidad ng “hoarding” ng mga sibuyas, at onion cartel ay pinalutang na ng publiko at policymakers noon pang August 2022.
Kasabay nito, hinihimok ni Quimbo ang Philippine Competition Commission o PCC na paigtingin ang mga aksyon upang matigil na at papanagutin ang dawit o nagsasabwatan sa hoarding, smuggling, at cartels sa bansa.
Giit ng kongresista, ito ay isang “proactive at long-term solution” upang maibsan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na lubos na nakakaapekto sa mga Pilipino.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home