Speaker Romualdez tiniyak suporta ng Kamara na pondohan mga proyekto, maayos na serbisyo sa cancer patients
Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na maghahanap ng paraan ang Kamara de Representantes upang mapondohan ang mga proyekto para matulungan ang mga pasyenteng may kanser at kanilang pamilya at maging maganda ang serbisyo na kanilang natatanggap.
Ginawa ni Romualdez ang pangako kasabay ng pagdalo nito at iba pang mambabatas sa town hall meeting na tinawag na “Congress at Your Service-We listen, We Deliver” na ginanap sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) upang mapakinggan ang saloobin ng mga cancer stakeholder at makagawa ng angkop na aksyon kaugnay nito.
“Sa pamamagitan nito, nalalaman natin ang kanilang mga pangangailangan, mga suliranin, at mga hamon sa buhay. Gusto nating maging bahagi ang town hall meeting na ito para imulat ang kamalayan ng mga Pilipino sa ating lipunan lalo na sa mga isyung pangkalusugan at kung paano natin ito dapat tugunan,” ani Speaker Romualdez.
Kasama ni Speaker Romualdez sa pagpupulong sina Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren, TGP Party List Rep. Jose “Bong” Teves, Jr., Tingog Party List Rep. Jude Acidre, at Iloilo 1st District Rep. Janet Garin. Dumalo rin sa event si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Si House Appropriations Committee chair at Ako Bicol Party List Rep. Elizaldy Co ay kinatawan naman ni dating Health Undersecretary Roger Tong-an sa pagpupulong.
Kasama sa mga natalakay sa pagpupulong ang pangangailangan na mabigyan ng sapat na tulong pinansyal ang mga pasyenteng may kanser, pansamantalang matutuluyan ng mga pasyente mula sa mga malalayong probinsya, pasilidad para sa mga doktor, suporta sa research and development, parking area, at ang pangangailangang magtayo ng specialized hospital para sa cancer.
“All of these, we are going to address. We will make sure, together with the Committee on Appropriations and the whole Congress, that public funds will go to where it is truly needed,” ani Romualdez.
“We commit to make sure that the voices of all stakeholders are considered. Foremost among our priorities is to let the people feel that our government is a shoulder to rely on. Ang gobyerno ang inyong Kuya sa panahon ng pangangailangan,” dagdag pa ni Romualdez.
Sinabi ni Speaker Romualdez na naiintindihan ng Kamara ang pangangailangan na magkaroon ng cancer research program upang mapaganda ang serbisyong naibibigay sa mga pasyente kaya nalalapit na umano ang pagtatayo ng Philippine Cancer Center sa Quezon City.
“Ang Philippine Cancer Center ay isa sa magiging legacy project ng administrasyong Marcos. Magsisilbi itong pagamutan ng mga may cancer, research facility at training ground na rin para sa ating mga Cancer Specialists na tututok sa mga lugar outside Metro Manila,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez kay Mayor Joy Belmonte na nagsabi na pumapayag ang City Council na baguhin ang height restriction sa lungsod para sa planong PCC at PCMC.
Sinabi ni Speaker Romualdez na pag-aaralan din ng Kamara ang paglalagak ng pondo para sa “Lungsod ng Kabataan” project na sinimulan ni dating First Lady Imelda Marcos.
Ang Lungsod Kabataan ay magsisilbing pansamantalang matutuluyan ng mga pasyenteng may kanser at kanilang magulang na nakatira sa lugar na malayo sa Metro Manila habang sila ay nagpapagamot. Dalawang palapag sa 20-palapag na gusali ng PCMC ang ookupahin ng Lungsod Kabataan.
“What we are doing is all about inclusive governance. Sa Bagong Pilipinas, needs will prevail and every centavo spent will redound to the benefit of our people. Cancer patients will be a priority,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Ikokonsidera rin umano ng Kamara ang mungkahi ng mga medical practitioner na magtayo ng hiwalay na Medical Arts Building sa PCMC compound upang madagdagan ang naseserbisyuhan ng ospital, ayon kay Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na titiyakin ng Kamara na mayroong sapat na pondo ang mga programa para sa mga cancer patient gaya ng Package Z ng PhilHealth at Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) ng Department of Health (DOH).
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home