Speaker sumama sa pamimigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Benguet, Baguio City
Sumama si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamimigay ng tulong sa mga residente ng Baguio City at Benguet na lubhang naapektuhan ng super typhoon Egay.
Umabot na sa P218.85 milyon ang nalikom na pondo ng tanggapan nina Speaker Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre na dadalhin sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa kabila ng masamang panahon, bumiyahe si Speaker Romualdez sa Baguio bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal na tiyakin na mararating ang tulong sa mga nasalanta.
“Nagpasya ako na pumunta ngayon dito sa utos na rin ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Kadarating lang po namin mula sa Malaysia kagabi. Ang utos ng Pangulo: siguruhin na nakakarating ang tulong ng gobyerno sa lahat ng naapektuhan ng Bagyong Egay,” ani Romualdez sa mga residente ng Baguio na nagtipon sa Baguio Central School.
“Ngayong araw, personal ko pong pangungunahan ang paghahatid ng tulong at relief operation dito sa Baguio City para sa mga naapektuhan ng bagyong Egay sa inyong lungsod at mga katabing lugar,” sabi pa ng lider ng 312-miyembro ng Kamara.
Ibinigay ni Speaker Romualdez ang cash assistance at relief goods kina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Baguio City Rep. Mark Go, at Benguet Rep. Eric Yap.
“Galing po ang pondo sa personal nating kontribusyon at umaasa tayo na tutulong din ang mga kasama nating Miyembro sa House of Representatives para madagdagan pa ito. Maliit na kontribusyon ko po ito sa hangarin ng gobyerno na mabigyan ang mabilis na ayuda ang mga naapektuhan ng kalamidad,” sabi ni Speaker Romualdez.
“Mabilis din po ang ating ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya hatid natin ngayon ang ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program ng ahensiya,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Sinabi ni Speaker Romualdez na tiniyak ng Kongreso na mayroong sapat na pondo ang AICS program na ginagamit ng gobyerno para matulungan ang mga taong nasalanta ng kalamidad.
Ayon kay Speaker Romualdez, habang ang Pangulo ay nasa Malaysia ay patuloy ang ginagawa nitong pag-monitor sa mga lugar na dinaanan ng bagyong Egay.
Sinabi ng lider ng Kamara na nararamdaman nito ang hirap at sakit ng mga nasalanta ng bagyo dahil naranasan din niya ito ng manalasa ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013.
“Pero alam ko pong malalampasan natin ang lahat ng paghihirap. Hindi kayo nag-iisa. Alam po ng buong bansa ang sitwasyon ninyo ngayon dito. Maliban sa pag-aalay ng dasal, lahat ay nagtutulong-tulong para makapag-abot ng ayuda sa lahat ng nasalanta ng bagyo. Huwag po kayong panghinaan ng loob. Narito ang gobyerno para umalalay sa inyo. Sama-sama at nagkakaisa, ibabangon namin kayo,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Nauna rito ay nanawagan si Speaker Romualdez na maging kalmado sa gitna ng pinaslang dulot ng bagyo sa hilagang bahagi ng Luzon at tiniyak na gumagawa ng paraan ang gobyerno para matulungan ang mga apektado.
“President Marcos is doing everything he can to assist, help and provide assistance to Super Typhoon Egay victims. We want to make sure that at this time of extreme need, the people should feel that their government is with them,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Sa 218.85 milyong tulong na nalikom ng Speaker’s Office at Tingog, nanggaling ang P43.85 milyon sa personal calamity fund ni Speaker Romualdez na nalikom mula sa kontribusyon ng kanyang mga kaibigan noong ipagdiwang ang kanyang kaarawan noong nakaraang taon.
Ang nalalabing P175 milyon ay manggagaling naman sa AICS program ng DSWD na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home