Naghatid ng kanyang mensahe para sa Pilipinas si Japan Prime Minister Kishida Fumio sa pagharap nito sa idinaos na special joint session ng Senado at Kamara.
Bago magtanghali ay sinalubong ng mga senador at kongresista si Kishida sa pangunguna nina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez.
Sa mensahe ni Kishida sa Kongreso, tinawag ng Prime Minister na 'irreplaceable partner' ng Japan ang Pilipinas at ikinararangal niya na mabigyan ng oportunidad bilang kauna-unahang Japan Prime Minister na makapaghatid ng mensahe sa Kongreso.
Sinabi nito na bagamat hindi palaging 'smooth-sailing' ang naging relasyon ng Japan at Pilipinas, ngayon aniya ay nakamit na ng dalawang bansa ang "golden age" ng kanilang pagkakaibigan at magandang ugnayan.
Aniya, ang taon kasing ito ay paggunita rin sa ika-50 taon ng pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng Japan at ASEAN at sa Disyembre naman ay host naman ang Japan sa isang commemorative summit meeting na gaganapin sa Tokyo.
Binigyang diin din ni Kishida ang kahalagahan ng 'human dignity' na siyang mahalaga para magkaroon ng kapayapaan at katatagan sa buong mundo.
Binanggit din ng Japan Prime Minister ang kanyang mga plano tulad ng pagsusulong sa "Free and Open Indo-Pacific" (FOIP) plan na siyang maguugnay sa kapayapaan at kasaganahan ng mga bansa sa Indo-Pacific, pagtugon at pagtutulungan sa mga hinaharap na hamon ng mga bansa sa rehiyon, pagpapalakas ng ugnayan at relasyon ng mga bansa sa ASEAN.
Tinalakay din ni Kishida ang tungkol sa defense cooperation, economy at investment, kooperasyon tungkol sa mga pandaigdigang isyu, at lalo pang pagpapaigting sa JAPAN-PHIL-US cooperation.
Panghuli ay tiniyak ni Kishida ang patuloy na pagtiyak sa higit pang pagpapalakas ng magandang relasyon at pagkakaibigan ng Japan at Pilipinas.
Sa pagtatapos ng makasaysayang event na ito sa pagitan ng Japan at Pilipinas ay kapwa nagpasalamat at tiniyak din ng mga lider ng Senado at Kamara ang patuloy na magandang ugnayan ng dalawang bansa.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home