PATATATAG NG DANGEROUS DRUGS COURTS, ISINUSULONG NI REP. BARBERS
Naghain ngayon si Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers ng panukalang magtatatag ng "Dangerous Drugs Court" sa lahat ng lungsod at lalawigan upang mapabilis ang usad ng mga nakabinbing kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga sa bansa.
Sa isinusulong ni Rep. Barbers na HB09446, lilikha ito ng special court sa bawat lugar upang agad na maresolba ang nasa tatlongdaang (300,000) libong drug cases na nananatiling nakabinbin sa mga korte.
Sinabi ni Barbers na mula taong 2000 hanggang 2022 ay nakapagtala ng 405,062 drug cases sa mga korte kasama na ang isinampa ng PDEA, PNP at NBI.
Ngunit 28 percent lamang aniya o mahigit 114,000 cases ang naresolba o nadesisyunan ng hudikatura.
Ayon sa kanya, indikasyon umano ito na hindi kaya ng trial courts na tugunan ang problema dahil congested o natatambakan na ng mga kaso kaya lalong bumabagal ang sistema ng hustisya sa bansa.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Barbers na dahil sa kawalan ng drug courts ay naaantala ang paglalabas ng court orders at iba pang proseso na may kaugnayan sa pagsira o pagsunog ng mga nakumpiskang ilegal na droga.
Sa katunayan, naibunyag sa pagdinig ng House Dangerous Drugs Committee nitong Marso na mayroon pang 8,662 kilograms ng shabu at 4,233 kilograms ng marijuana na nasa kustodiya ng PDEA at PNP dahil nahihirapang makakuha ng court orders upang ipatupad ang pagsira sa mga ito.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home