medAff PANUKALA NA MAGPAPATAAS SA ESTADO NG PUP, NAKATAKDANG BALANGKASIN NG TWG
Inaprubahan ng Komite ng Higher and Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Lunes, ang paglikha ng technical working group (TWG) na nakatakdang magbalangkas ng substitute bill sa anim na panukala na naglalayong amyendahan ang Presidential Decree 1341, o mas kilala sa charter ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ayon kay committee chair Baguio City Rep. Mark Go, ang pagsasama-samahing mga panukala ay naglalayong gawin ang PUP, na magdiriwang ng kanilang ika-120 anibersaryo ngayong taon, bilang unang National Polytechnic University of the Philippines na may institusyonal at fiscal autonomy. Ipinaliwanag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, may-akda ng isang panukala (House Bill 8860), na ang kanyang panukalang amyenda ay natuon sa pagtiyak na ang PUP ay manatiling may saysay at epektibong institusyon, na nakatutok sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon, nagpapaunlad ng mga pagbabago at nagbabahagi ng kaunlaran sa bansa.
Idinagdag niya na ang layunin ng panukala ay alinsunod sa mga gabay na prinsipyo ng Section 1, Article XIV ng 1987 Konstitusyon, na nagsasaad na, “The State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels, and shall take appropriate steps to make such education accessible to all.”
Ang HB 8860 ay iniakda rin nina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. Bukod sa HB 8860, ang iba pang mga panukala na kasama sa pagsasama-samahin ay ang mga HBs 8829, 9060, 2363, 6790 at 6973, na iniakda nina Reps. Edwin Olivarez, Rep. Erwin Tulfo, Charisse Anne Hernandez, Lordan Suan, at Ching Bernos, ayon sa pagkakasunod.
Layon naman ng mga HBs 2363, 6790 at 6973 na maglagay ng mga PUP campus sa ilang bahagi ng bansa.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home