MAR 22
-Hajji-
Nagpakita ng pwersa ang animnapu’t tatlong kongresista sa ginanap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Agusan del Norte.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ito na ang pinakamalaking pagtitipon na nagpakita ng pagkakaisa at pagsasama-sama matapos ang BPSF sa Sultan Kudarat.
Kasama ng House members si Senador Bong Revilla na ayon kay Gonzales ay ninais saksihan kung paano inihatid nang direkta ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Kabuuang 300 million pesos na halaga ng financial assistance at government services ang itinampok sa BPSF para sa walumpung libong benepisiyaryo bukod pa sa dalawandaang libong kilo ng bigas.
Iginiit din ni House Majority Leader Mannix Dalipe na ipinamalas ng presensya ng mga mambabatas ang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Kung tutuusin ay nakabakasyon na aniya ang Kongreso at maaaring magtungo kahit saan ang mga kongresista ngunit pinili nilang makiisa sa Serbisyo Fair sa Agusan del Norte.
Kabilang sa serbisyong inihatid ng DSWD ay ang payout ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS na nagkakahalaga ng 73 million pesos sa sampung munisipalisad at isang lungsod.
Bukod dito, nag-alok ng scholarship programs ang TESDA at CHED at livelihood assistance sa iba’t ibang sektor.
Binigyang-diin naman ni Romualdez na sa Bagong Pilipinas ay isinusulong ni Pangulong Marcos na ang gobyerno ay hindi umano nagpapasarap o nagpapahinga sa mga opisina at sa halip ay kusang lumalapit sa mga lugar upang maglingkod.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home