SUPORTA NG KAALYADONG MGA BANSA KAUGNAY NG PAGPASOK NG CHINA SA TERITORYO NG BANSA SA WPS, HINILING NI PBBM
Patuloy na nakikipag-ugnayan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kaalyadong bansa upang kunin ang suporta ng mga ito kaugnay ng ginagawang pambu-bully ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali "Boyet" Gonzales II, Chairman ng House Special Committee on WPS dinadala ni Pangulong Marcos ang isyu sa mga pinuno ng bansa na kanyang binibisita.
(“He has been raising this issue in his meeting with leaders of the nations he has visited, including Australia last month and last week, and Vietnam in January,” ayon kay Gonzales.)
Sinabi pa ni Gonzales na iginigiit ni Pangulong Marcos ang karapatan at pag-mamay-ari ng Pilipinas ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na nasa loob ng 200-mile EEZ ng bansa.
(“He is keeping up international pressure on Beijing, so the Chinese would back off their aggressive activities inside our territorial waters, including Ayungin Shoal off Palawan in the south and Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) near Zambales and Pangasinan in the north, which China seized in 2012,” ayon sa mambabatas.)
Noong nakaraang buwan, nagtungo ang Pangulo sa Canberra, at sinundan ito ng pagbisita sa Melbourne noong nakalipas na linggo.
Sa pagbisita ng Punong Ehekutibo sa Australia, sinabi ni Gonzales na nanawagan ang Pangulo ng pakikipagtulungan kasama ang mga kaalyadong bansa upang tapatan ng batas, katatagan at kapayapaan sa rehiyon ang mga bantang dala ng China.
Ayon pa kay Gonzales, nakuha din ng Pangulo ang tiwala ng Australia para sa panibagong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas, na isang katunayan nang pinalakas na pagtutulungan sa pagitan ng dalawang bansa, partikular na ang pagpapatatag ng joint maritime activities, na layuning mapanatili ang kapayapaan, gayundin ang pagbibigay proteksyon sa mga mangingisdang Pilipino.
Binanggit din ni Pangulong Marcos sa Australian Parliament ang matibay na maritime partnership ng Pilipinas at Australia sa South China Sea, partikular sa West Philippine Sea.
Tatlong kasunduan din ang nilagdaan ng Pangulo sa pagbisita nito sa Canberra, kabilang na ang maritime domain, cyber and critical technology, at epektibong pagpapatupad ng mga batas at polisiya sa kompetisyon.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng magkatuwang at kapaki-pakinabang na relasyong pang-ekonomiya at personal na pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Dumalo ang Pangulong Marcos sa ASEAN-Australia special summit na ginanap sa Melbourne kung saan binigyan-diin nito ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga pinuno ng bansa sa pagresolba ng mga usapin na may kaugnayan sa kapayapaan at katiwasayan, kalakalan at pag-unlad.
Nakipagpulong din ang Pangulo sa mga lider ng iba’t ibang negosyo at nagbigay ng talumpati sa Lowry Institute.
Nakadaupang palad din ni Pangulong Marcos ang mga Prime Minister ng New Zealand at Cambodia at nakipagpalitan ng opinyon sa mga usaping may kaugnayan sa kani-kanilang bansa at rehiyon.
Sa pagdalaw naman sa Vietnam ng Pangulo noong Enero, inihayag ng Pangulo na patuloy na igigiit ng Pilipinas ang karapatan ng Pilipinas sa teritoryong inaangking ng China sa West Philippine Sea at ang pagbibigay ng proteksyon sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Sa pagbisita ng Pangulo, nilagdaan din ng dalawang bansa ang memorandum of understanding sa “Incident and Management in the South China Sea.”
Inaangkin din ng China ang bahagi ng teritoryo ng Vietnam sa South China Sea. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home