BADYET NG DOH, SINURI NG KOMITE NG APPRO; MGA USAPIN SA PONDO NG BAKUNA, TINUGUNAN
Sa inisyatiba nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co, ay nagpulong ang Komite ng Appropriations sa Kamara ngayong Miyerkules, upang suriin ang budgetary performance ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) para sa taong (FY) 2023 at sa unang quarter ng 2024, para matiyak na tumutupad ito sa mga rekisitos, at epektibong ginagamit ang pampublikong pondo, ayon sa mandato ng General Appropriations Act (GAA) at ng 1987 Konstitusyon.
Sa paunang mensahe ni Senior committee vice-chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa kanilang pagtutuos noong 2022 ang ilang usapin sa loob ng DOH, kabilaing na ang hindi nagamit na mga pondo, mga maling imbentaryo, hindi maayos na pamamahagi ng mga bakuna, at pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan.
Ayon kay DOH Undersecretary Achilles Gerard Bravo, batay sa 2023 GAA, ang ahensya ay may kabuuang nakalaang pondo na P229.7 bilyon, na may 2022 continuing appropriations (CONAP) na P25.22 bilyon.
At sa badyet na ito, ay may hindi naobligang nakalaang halaga na P20.88 bilyon, na ang antas ng obligasyon ay 92 porsyento, at antas ng paggasta na 80 porsyento.
Hanggang ika-31 ng Marso 2024, ang kabuuang nakalaan sa DOH ay P256.01 bilyon. At sa halagang ito, P58.64 bilyon o 23 porsyento ay naobliga na, at P31.28 bilyon o 53 porsyento ay nagamit o naibayad na.
Tinanong ng mga mambabatas ang hinggil sa kahandaan ng DOH na pangasiwaan ang bagong COVID FLiRT variant, na ayon kay Quimbo ay nakakalungkot ang ulat na walang pondo rito para sa bakuna. "Pakilinaw lang po, napakaraming pondo.
At kahit na walang line item na specific, ay pwede po mag-realign, pwedeng gumamit ng QRF (quick response fund) at other items, pwede rin po kung kinakalingan mag-request sa DBM," aniya.
Tiniyak ni Bravo sa lupon na ang mga hindi nagamit na mga pondo ay ilalaan sa mga bagong bakuna para sa bagong COVID variant, at iba pang mga programang pangtugon sa kalusugan. Pinabulaanan rin ni OIC Assistant Secretary Dr. Albert Edralin Domingo ang ulat sa kakulangan ng pondo, at kinumpirma ang kahandaan ng DOH na tugunan ang anumang pagkalat ng bagong COVID variant.
Iniulat ni Atty. Eli Santos, Philippine Health Insurance Corporation's (PhilHealth) Chief Operating Officer (COO), ang kapuna-punang kaunlaran ng kanilang mga umiiral na benefit packages, na mas nakatutugon sa mga pangangailangan sa pangangalaga ng kalusugan ng mga miyembro.
Nagpahayag naman ng pag-aalala si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee hinggil sa hindi epektibong implementasyon ng polisiya sa "No Balance Billing" sa ilalim ng PhilHealth, at binanggit na madalas itong bigo dahil sa kakulangan ng kapasidad ng mga kama at medisina.
Hinimok niya ang DOH sa planong itaas ang alokasyon ng mga ward ng PhilHealth, alinsunod sa Administrative Order 2007-0041, na nagmamandato ng 10% alokasyon sa mga pribadong ospital.
Parehong tanggap nina Bravo at Domingo ang mabagal na paggamit ng pondo sa mga ospital, at tiniyak na layon ng DOH na paunlarin ang PhilHealth coverage sa mga mahihirap na pasyente.
Nagtanong si Quimbo hinggil sa 852,779 claims para sa COVID-19 testing na nagkakahalaga ng P1.97 bilyon noong 2023, kahit wala nang pandemya.
Hiniling rin ng lupon sa DOH at PhilHealth na magsumite sila ng mga dokumento at datos kaugnay sa mga testing kits na ito.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home