Magkakasa ng imbestigasyon ang Kamara ukol sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng nagdaang administrasyong Duterte.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Committee on Human Rights Chairperson at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. na layunin ng imbestigasyon na sisimulan sa susunod na linggo na silipin ang umano'y mga insidente ng extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs.
Hindi kasama sa iimbitahan sa pagdinig sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Philippine National Police Chief at ngayo'y Senador Ronald Bato Dela Rosa sa ngalan ng parliamentary courtesy.
Ngunit kinumpirma ni Abante na pahaharapin nila ang mga dating opisyal gaya nina dating Justice Secretary Menardo Guevarra, dating PNP Chief Oscar Albayalde at mga opisyal ng National Capital Region Police Office.
Bibigyan din ng pagkakataon na magsalita ang magulang ng mga biktima ng EJK at war on drugs lalo na ang magulang ng mga menor de edad na napatay.
Tiniyak ni Abante na gugulong ang imbestigasyon nang patas, objective, sensitibo, may malasakit at respeto.
Ngunit kailangan aniyang mabigyang-diin na ang bawat buhay ay mahalaga dahil protektado ito ng karapatang ipinagkaloob ng Konstitusyon para sa due process.
Marami umanong EJK victims na pinatahimik at tinanggalan ng karapatan kaya responsibilidad ng Kamara na alamin ang katotohanan at makamit ang komprehensibong mga impormasyon hinggil sa drug war.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home