Tuesday, May 07, 2024

MULING PAGSUSURI SA RICE TARIFFICATION LAW, IPINAGPATULOY NG LUPON SA KAMARA


Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Komite ng Agrikultura at Pagkain sa Kamara hinggil sa panukalang pag-amyenda sa Republic Act (RA) 11203, o Rice Tariffication Law (RTL) ngayong Lunes, hinimok ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ang Kagawaran ng Agrikultura (DA), na masusing saliksikin ang dahilan sa pagsirit ng halaga ng bigas, ilang taon matapos na maisabatas ang RTL. Binanggit niya na ang rice inflation ay labis na nagresulta sa negatibong antas, matapos na kagyat na maisabatas ang RTL at nanatiling mababa, na muli na namang tumaas noong nakaraang taon. “Ano ang mga pagbabago? Ano ang mga nangyayari ngayon Mr. Secretary? Kase nag-aamyenda tayo ng batas, hindi natin alam kung bakit. Yun ang tanong. Tinitira natin ang batas but we don't know why, what is causing the 24.4% rice inflation,” tanong niya. Tinukoy ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga dahilang panglabas, tulad ng kompetisyon sa ibang mga bansa, at ang pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar, na siyang dahilan ng pagsirit ng presyo ng bigas. Ipinunto niya na kulang ang kapangyarighan ng DA upang direktang impluwensyahan at bawasan ang presyo ng bigas, dahil kinokontrol ng mga lokal na traders ang pagpepresyo nito, at nanawagan sa pagbabalik ng kapangyarihan ng DA sa pag-aangkat ng bigas. Hiniling rin ni Laurel ang pagpapalawig ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2030, paglikha ng Rice Industry Development Program Management Office para mapangasiwaan ang RCEF, at ang alokasyon ng rice import tax income na lalagpas sa P15-bilyon sa ibat ibang mga inisyatiba sa agrikultura. Nanawagan si ABANG LINGKOD Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano sa Komite na suriin ang Administrative Order (AO) 20, s. 2024 na inisyu ng National Economic and Development Authority's (NEDA) para maiayos ang mga prosesong administratibo, at tanggalin ang mga sagabal na non-tariff sa pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura. Ayon kay AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, ang AO 20 ay ipinatupad nang walang konsultasyon sa mga magsasaka at mga may kaugnayang nagsusulong nito. Kinumpirma ni NEDA OIC-Director Rory Dacumos ang pahayag ni Briones, at sinabing ang inter-agency committee na nagbalangkas ng AO 20 ay binubuo lamang ng mga ahensya ng pamahalaan, at inaming walang magsasaka ang isinama sa proseso. Hindi rin kasama ang Kalihim ng DA sa pagtalakay para sa pagpapalabas ng AO 20 noong Abril 2024. “From what I understand, this discussion was going on before my time pa, but while I was in office since November last year, I was not consulted personally,” ayon kay Laurel. Binabalangkas ng Komite ng Agrikultura at Pagkain sa Kamara, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang mga amyenda sa RTL, upang pabagalin ang pagtaas ng halaga ng bigas, at isulong ang tuloy-tuloy na industriya ng bigas. Ang mga panukalang amyenda ay nakasaad sa mga House Bills 212, 405, 1562, 9030, 9547, at House Resolution 1614. Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang sesertipikihan ang mga amyenda sa RTL bilang urgent.


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home