Friday, May 10, 2024

P580M tulong-pinansyal, pangkabuhayan ibinuhos sa Zamboanga City Serbisyo Fair



Aabot sa 111,000 benepisyaryo ang makikinabang sa hatid na tulong ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Zamboanga City.


Nagkakahalaga ng P580 milyon ang cash assistance at iba pang tulong para sa mga benepisyaryo ng dalawang araw na serbisyo fair nitong Biyernes at Sabado.


Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa pangunahing tagapagtaguyod ng BPSF, ang Serbisyo Caravan sa Zamboanga City ang ika-16 sa serye ng pamamahagi ng tulong ng administrasyong Marcos na layuning ilapit sa mamamayan ang tulong ng gobyerno, kung saan matatagpuan ang 417 government services mula sa 47 ahensya, gayundin ang payout ng cash assistance.


"Hatid ng BPSF ang direktang serbisyo mula sa gobyerno patungo sa mga mamamayan. Mismong ang pamahalaan na ang pupunta sa lalawigan ninyo, hindi niyo na kailangang maglakbay at gumastos para pumunta sa mga sentro sa probinsya para makakuha ng serbisyo at ayuda,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.


“Ito ang pagsasabuhay ng mga hangarin ni Pangulong Marcos Jr. para sa mamamayang Pilipino, ang makakuha ng direktang serbisyo dahil ang pamahalaan ang pupunta sa kanila. This is the very essence of inclusive development and responsive governance,” ayon pa sa lider ng Kamara.


Naging punong abala naman sa BPSF sina Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe at Mayor John Dalipe na nagsilbing local host ng programa. 


Ang programa ay inilungsad sa Zamboanga City Coliseum, kung saan naging kinatawan ni Pangulong Marcos Jr. si Speaker Romualdez na siyang nagsilbing keynote speaker.


Bukod sa Serbisyo Fair isang Pagkakaisa Concert din ang idaraos sa KCC Grounds kung saan tinatayang 20,000 katao ang maaaring dumalo ng libre bilang bahagi ng pagdiriwang ng pagkakaisa.


Ang BPSF sa Zamboanga City ay dinaluhan ng 85 kongresista, ang pinakamalaking bilang ng mga kinatawan ng Kamara na dumalo sa isang serbisyo fair event.


Ang Zamboanga City rin ang ikalimang lalawigan sa Mindanao na dinayo ng Serbisyo Fair kasunod ng Bukidnon, Agusan del Norte, Sultan Kudarat, at Davao de Oro. 


Nakatakda ring magtungo ang BPSF sa Tawi-Tawi at Davao del Norte sa mga susunod na linggo -o ang kabuuang pitong lugar sa lalawigan ng Mindanao na bibisitahin ng serbisyo caravan.


“Ito rin ang pinakaunang lalawigan sa Region IX na ating napuntahan. At ikinagagalak kong ibalita na pupunta naman tayo sa Tawi-Tawi sa BARMM sa mga susunod na mga araw at doon ilalapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao,” ayon kay Speaker Romualdez.


Bahagi ng P580 milyong tulong sa Zamboanga City, ang P273 milyong cash assistance. Ito ay ang city-wide payout sa 67,311 na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD na nagkakahalaga ng P252 milyon.


Tatanggap din ang mga benepisyaryo mula sa Zamboanga City ng kabuuang 355,000 kilo ng bigas na ipapamahagi ni Speaker Romualdez na tinaguriang “Mr. Rice.”


Kabilang din sa mga gawain, ang mga scholarship program ng TESDA at CHED, maging ang tulong pangkabuhayan para sa mga tinukoy na benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa buong lungsod ng Zamboanga.


Kasabay ng isinasagawang BPSF ang paglulunsad din ng Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) Program and the Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP) Program na kapwa inisyatiba ni Speaker Romualdez sa ilalim ng AICS program ng DSWD para sa mga maliliit na negosyante at mag-aaral na nangangailangan ng tulong sa gastusin sa kanilang pag-aaral.


Sa kabuuan ay may 3,000 benepisyaryo ang SIBOL sa Zamboanga City na tumanggap ng tig-P5,000 mula sa AICS Program, at limang kilo ng bigas na ipinamahagi sa gymnasium of Claret School of Zamboanga City on May 10. 


Kabuuang 3,000 benepisyaryong mag-aaral naman ng ISIP for the Youth ang makatatanggap ng tig-P2,000 tulong pinansyal kada anim na buwan na mula rin sa DSWD-AICS para makatulong sa kanilang pagbabayad ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan. Bawat isa ay tumanggap din ng limang kilo ng bigas sa isang seremonyang na ginanap sa Western Mindanao State University Gymnasium.

Ang mga tinukoy na benepisyaryong mag-aaral ay magiging bahagi rin ng Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED at tatanggap ng scholarship assistance kada semester na nagkakahalaga ng P15,000 at bibigyan ng prayoridad sa Government Internshop Program (GIP) sa kanilang pagtatapos sa pag-aaral. Pasok din sa DOLE-TUPAD Program ang mga magulang o guardian ng mga scholar na walang hanapbuhay. (END)


———-


10,000 benepisyaryo mula Zamboanga City naabutan ng tulong pinansyal at bigas


Kabuuang 10,000 residente ng Zamboanga City ang nakatanggap ng tulong pinansyal at bigas sa ilalim ng makabagong program para sa mga bulnerableng sektor.


Ang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, na isang inisyatiba ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay hindi lamang naglalayong palakasin ang purchasing power o kakayanang bumili ng publiko kundi isa ring istratehikong tugon sa paglaban sa mga hoarder at mga nagmamanipula ng presyo ng bigas.


“Alam po ng inyong mga kinatawan ang pinagdadaanan ng marami. Dama din po namin sa Kamara de Representante ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kasama dito ang bigas,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan, sa paglulungsad ng programa sa Summit Center, Universidad de Zamboanga ngayong Biyernes.


“Kaya nga’t binuo ng tanggapan ng inyong lingkod ang programang CARD. Tinutugunan ng programang ito ang pangangailangan na masiguro na ang mas nakararaming Pilipino ay palaging may bigas na maisasaing, mapigilan ang hoarding at ng sa gayon ay mapabagal ang pagtaas ng presyo ng bilihin,” dagdag ni Speaker Romualdez.


Nakatanggap ang bawat isa sa 10,000 benepisyaryo ng tig-P2,000 cash sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng DSWD, at 25 kilo ng premium rice na nagkakahalaga ng P1,000.


Ang mga benepisyaryo ay mula sa marginalize at vulnerable sector gaya ng mga mahihirap, senior citizen, PWDs, single parent at indigenous peoples.


“Bawat isa po sa 10,000 benepisyaryo ay tatanggap ngayong araw ng tig-tatlong libong piso at dalawampu’t limang kilo ng bigas,” ani Speaker Romualdez.


Ibinahagi rin ng House Speaker ang hakbang na pinagtulungan nila ng mga opisyal ng Department of Agriculture upang mapababa sa P30 ang presyo ng bigas pagsapit ng Hulyo.


“Hindi po dito nagtatapos ang aming pagserbisyo sa inyo. Nagtutulungan na ngayon ang Kongreso at Department of Agriculture para matiyak na may mura at de-kalidad na bigas nang mabibili simula ngayong Hulyo,” wika ni Speaker Romualdez.


“Ang target namin: bigas na hindi tataas sa P30 bawat kilo. Sisimulan ang pagbenta nito sa ilang piling KADIWA Centers na itatayo ng Department of Agriculture sa mga siyudad sa buong bansa,” sabi pa niya.


Ayon kay Speaker Romualdez ang CARD Program ay halimbawa ng pagtutulungan ng pamahalaan para tugunan ang tumataas na presyo ng bilihin at maisulong ang katatagan ng ekonomiya na pakikinabangan ng mga Pilipino.


“Ginagamit din po namin ang tiwalang ibinigay ninyo sa amin para matukoy at panagutin ang mga taong nagsamantala para artipisyal na pataasin ang presyo ng mga pangunahing bilihin,” paghahayag niya. 


“Ang inyong lingkod, sampu ng iba pa nating kasamahan sa Kamara de Representantes, kasama ng mahal na Pangulong Bongbong Marcos, ay hindi po titigil at magpapatuloy na gawin ang lahat ng aming makakaya upang maitaguyod ang kapakanan ng mas nakararaming Pilipino, wika pa ng lider ng Kamara. (END)


———-


Todo suporta sa Bagong Pilipinas ni PBBM: Mahigit 80 kongresista dumalo sa Zamboanga City serbisyo caravan



Mahigit 80 miyembro ng Kamara de Representantes ang dumalo at nakiisa sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Zamboanga City nitong Biyernes.


Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang 85 kongresista na dumalo sa event na naglalayong ilapit sa mga taga-Zamboanga ang serbisyo at mga programa ng gobyerno.


Ikinatuwa ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, ang local host ng event, ang dami ng mga mambabatas na isa umanong pagpapakita ng pagkakaisa ng mga kongresista para matulungan ang mga nangangailangang Pilipino.


“Tunay tayong nagagalak sa ating nakikitang pagkakaisa sa ating mga mambabatas na dumalo sa Zamboanga City BPSF. Nakaka-inspire makita ang higit 80 na mga mambabatas na kasama natin sa Kongreso para personal na ipakita ang kanilang suporta sa isang programang inilalapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga mamamayan,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.


Ang Zamboanga City leg ng BPSF ang ika-16 na yugto ng serbisyo caravan na dadalhin sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.


Bitbit ng caravan ang mahigit 400 serbisyo ng gobyerno, cash assistance at iba pang benepisyo na nagkakahalaga ng P580 milyon para sa may 111,000 benepisyaryo.


“Never before have we witnessed such overwhelming solidarity among representatives from across all regions of our country. The presence of these 80 District and Partylist Representatives underscores the commitment of the House of Representatives to serve as true champions of the Filipino people,” sabi ni Speaker Romualdez.


Ang pagsasama-sama ng mga kongresista, ayon kay Speaker Romualdez, ay patunay ng pakikiisa ng lehislatura kay Pangulong Marcos na makagawa ng mga makabuluhang reporma at inisyatiba para sa mga Pilipino.


“Nakikita naman natin ang dedikasyon ng ating mga kinatawan sa Kongreso na makita ng personal kung paanong nakaka-benepisyo sa mamamayang Pilipino ang bawat batas na dumadaan sa Kongreso at sa bawat programa na ating pinopondohan,” saad ni Speaker Romualdez.


Bukod kina Speaker Romualdez, Dalipe, at Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Adan Olaso, 82 kongresista pa ang dumalo sa Zamboanga City BPSF.


Ang bilang na 85 ang pinakamalaking bilang ng mga kongresista na dumalo sa isang BPSF. Pumapangalawa ang Agusan del Norte na may 62, at sinundan ng Benguet na may 60.


Kasama sa mga lider ng Kamara na dumalo sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr., Deputy Speaker David C. Suarez, Deputy Speaker Yasser Balindong, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.


Naroon din sina Rep. Lani Mercado-Revilla at anak nitong si Rep. Bryan Revilla na kumatawan kay Sen. Ramon Revilla, Jr. sa pagtitipon.


Dumalo rin doon ang mga miyembro ng "Young Guns" gaya nina Reps. Zia Alonto Adiong, Margarita Nograles, Cheeno Miguel Almario, at Ramon Rodrigo Gutierrez para magpakita ng suporta.


“The decision of these lawmakers to witness firsthand how the Marcos administration is bringing government services directly to the people speaks volumes about their dedication to serving the nation,” sabi pa ni Speaker Romualdez.


“Sana sa mga susunod na Serbisyo Fairs natin ay mas marami pang mambabatas ang makarating para makita nila ang benepisyo ng ating mga pinopondohang programa ng gobyerno,” wika pa nito. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home