WAGE HIKE SA KAMARA, MAINGAT NA DINEBATE NG MGA MAMBABATAS; MGA AMYENDA SA RTL MADALIANG IPAPASA
Pinuri ng mga mambabatas ngayong Huwebes si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa isang pulong balitaan na idinaos sa Kamara, sa kanyang pagtugon sa mga pag-aalala ng publiko, matapos niyang ipag-utos kahapon na muling suriin ang minimum wage sa buong bansa.
Tumugon rin sina Isabela Rep. Faustino Dy V, Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, at Taguig City Rep. Amparo Maria Zamora sa panawagan ng iba pang mga mambabatas na sertipikahan ang mga panukala sa wage hike bilang urgent, at binigyang-diin ang babala sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya.
"The House is currently in the process of undergoing committee hearings. Ito po ay dumadaan sa tamang proseso, pinapakinggan po natin lahat ng ating mga stakeholders, lahat po ng mga labor organizers, mga unions at iba pa para maka-arrive po tayo sa mas maganda at mas sustainable na solution para po sa ating mga manggagawa," ayon kay Dy.
Binigyang-halaga rin nina Acidre at Zamora ang masusing tugon sa isinasagawang talakayan sa wage hike, gayundin ang kahalagahan ng lahat ng mga ibinahagi ng mga nagsusulong, habang kanilang binabalangkas ang usapin.
"Hindi naman ho natin sinasabi na hindi na siya option sa ngayon. Pero ang ginagawa po natin ay makinig sa lahat ng mga sectors na involved. Lalong lao na kasi habang gusto man natin na guminhawa ang buhay ng ating mga manggagawa, tumaas ang sweldo ng ating manggagawa, ay gusto din naman natin na hindi magsara ang ating mga negosyo, at hindi rin maapektuhan ang kakayahan ng ating mga employer na makapagbigay ng sakto at tamang trabaho sa ating mga kababayan," ayon kay Acidre.
Idinagdag niya na ang mga mungkahi sa wage hike ay kasalukuyan nang tinatalakay sa Komite ng Labor and Employment sa Kamara, at bilang pagsunod sa tuntunin ng proseso, ang Pangulo lamang ang maaaring magsertipika nito bilang urgent kapag naisulong na ito sa plenaryo.
Samantala, nagpahayag si Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing ng kanyang pasasalamat kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na nanawagan sa Senado na tutukan ang pagpasa sa mga amyenda sa Republic Act 11203, o Rice Tariffication Law (RTL), lalo na ang pagpapaunlad sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
"Talagang sobrang natuwa ako noong nagsabi si Speaker na House priority na po ito. And more than just indicating that as a House priority, the Speaker actually wants to request the President to certify this bill as urgent dahil po talagang urgent in every sense of the matter," ani Suansing.
Ipinaliwanag ni Suansing na tinanggalan ng kapangyarihan ng kasalukuyang RTL ang National Food Authority (NFA), na direktang bumili at magbenta ng bigas sa merkado. Dahil dito, binaha ang merkado ng commercial rice na labis na nagpataas ng presyo nito.
"Isa sa mga nakikita nating dahilan kung bakit napakataas ng presyo ng bigas ay (dahil) ang available lang sa merkado ay iyong commercial rice at lahat po ito ay naglalaro ng P42 para sa well-milled rice hanggang P60 to P62 para sa premium rice," aniya.
Bukod pa rito, binanggit ni Suansing na ang rice inflation ay may malaking epekto sa antas ng ekonomiya, na tumaas ang presyo ng bigas sa 24.4 porsyento year-on-year, at isang porsyento mula Pebrero hanggang Marso.
Sinabi niya rin na humiling ng kooperasyon sa Senado si Speaker, para maaksyunan ang mga amyenda sa RTL bago mag sine die adjournment, upang maipatupad ito sa buwan ng Hunyo.
Si Suansing ang pangunahing may akda ng House Bill 212, ang pinakaunang panukala na inihain sa ika-19 Kongreso, na naglalayong amyendahan ang RTL at ayusin ang RCEF.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home