Thursday, June 13, 2024

Milks/11jun24


Mabubusisi ng husto ang budget sa susunod na taon ng  Bureau of Fisheries and Aquatic Resources kapag sumalang na sa budget deliberation ng Kamara.


Kinuwestiyon ni House Assistant Majority Leader at Zambales First District Representative Jefferson Khonghun ang umano'y pagkabigo ng BFAR na magkaloob ng sapat na bangka at iba pang suporta sa mga mangingisda sa West Philippine Sea.


Ito ay sa dumaraming reklamo ng fishing community hinggil sa kaunting tulong na natatanggap nila mula sa BFAR kumpara sa aktwal na pangangailangan para mapanatili ang kanilang kabuhayan.


Ayon kay Khonghun, mahalaga na maaksiyunan ang mga kakulangan sa suporta sa mga mangingisda at mabigyan ng pinaka-angkop na resources para  maitaguyod ang pambansang interes sa pinag-aagawang teritoryo.


Dahil dito, nagbanta si Khonghun, kailangang busisiin at pag-aralan ang pag-realign o paglilipat sa pondo ng BFAR sa paparating na budget season para sa 2025.


Sa pamamagitan  nito anya, masisiguro na bawat piso sa inilaang budget ay mapupunta sa pangangailangan ng mga mangingisda.



***



Lumalakas ang panawagan din sa Kamara na tuluyan nang ipagbawal at kasuhan ang mga sangkot sa operasyon ng POGO sa Pilipinas.


Pinangunahan ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro ang pagsasampa ng “Anti POGO Act” para ipagbawal at i-criminalize ang POGO operations.


Ayon kay Castro, nilalapastangan ng mga POGO hub ang batas ng Pilipinas at pinagmumulan ng ibat-ibang klase ng krimen.


Sa bill, babalewalain na ang mga lisensiya na inisyu sa mga POGO at aatasan ang mga concerned government agencies na huwag nang mag-isyu ng work permits at visa na may kinalaman sa offshore gaming.


Bukod kay Castro, kasama sina Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas at Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel sa nagsusulong ng panukala.


Umaapela ang Makabayan bloc sa mga kasama sa Kamara na pagtibayin ang bill dahil ang kita na nakukuha ng gobyerno mula sa POGO operasyon ay hindi matutumbasan ng dulot nitong kapahamakan sa ating lipunan.


Bukod sa Makabayan bloc, nananawagan din na i-ban na ang POGO sa bansa sina Congressmen Rufus Rodriguez, Bienvenido Abante, Brian Yamsuan at Robert Ace Barbers.



***



Nagpaalala ang Office of the House Secretary General sa mga empleyado ng Kamara na mahigpit pa rin na sundin ang COVID-19 protocols.


Ito ay dahil sa pagtaas ng bilang ng House employees na tinatamaan ng sakit.


Sa inilabas na memorandum, muling iginiit ang pagkakaroon ng proper hygiene, pagsunod sa cough etiquette at paghimok sa mga immunocompromised na magsuot pa rin ng face mask.


Ang empleyado na mag popositibo sa COVID ay kailangan mag isolate ng limang araw.


Kung ang nagpositibo ay immunocompromised, sampung araw naman ang magiging isolation nito.


ang opisina o division ng naturang COVID-19 positive ay inaatasan na magsuot ng facemask sa loob ng sampung araw.


Ang MDS o Medical and Dental Service COVID Manager ang magmo-monitor sa positibong pasyente at MDS rin ang maglalabas ng clearance bago magbalik trabaho ang pasyente. 



***



Dapat may pagkakulong ng hindi bababa sa anim na taon at P50-thousand pesos kada taon dahil sa unlawful employment ang ipapataw sa mga dayuhan na iligal na nagta-trabaho sa bansa.


Nakapaloob ito sa House Bill 1279 ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Yamsuan sa harap na rin ng lumalalang problema sa POGO.


Ito ay matapos maaresto sa Parañaque City ang 37 Chinese nationals na sangkot sa illegal operations at gamit na front ay mga restaurant.


Sa bill ni Yamsuan, tanging ang Department of Labor and Employment ang may kapangyarihan na mag-isyu ng employment permit sa mga foreign workers na ang empleyo ay sakop at nakarehistro sa areas of investment o designated economic zones.  


Ang panukala ni Yamsuan ay kasunod ng isinumiteng resolusyon sa Senado sa reklamo ng homeowners ng Multinational Village sa Barangay Moonwalk sa Parañaque.


Batay sa mga report, dagsa ang mga Chinese nationals sa ilang mga subdivision sa Parañaque City na hinihinalang sangkot sa iligal na POGO.


Noong May 2, naaresto ng mga otoridad sa Multinational Village ang sampung Chinese nationals na hinihinalang sangkot sa human trafficking.


MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home