JUN 6
-Hajji-
Naniniwala ang human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno na "hinog" na para makasuhan si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa madugong war on drugs campaign na nagresulta umano sa pagkamatay ng libu-libong indibidwal.
Sa pagdinig ng House Committee on Human Rights, inusisa ng chairperson na si Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. si Diokno kung bakit hindi nagawang sampahan ng kaso si Duterte ngayong hindi na siya presidente at wala nang immunity sa kabila ng mga nababanggit na datos ng namatay sa drug war.
Pag-amin ni Diokno, maraming biktima o kaanak ng mga nasawi sa madugong kampanya ang natatakot na maghain ng reklamo laban sa dating pangulo.
Kaya ang rekomendasyon ng abogado ay manguna ang Department of Justice sa pagsasampa ng kaso dahil ito ang may kapasidad na panagutin si Duterte.
Hindi naman naitago ni Abante ang "frustration" na natatakot pa rin ang mga biktima na humarap sa imbestigasyon gayong poprotektahan sila ng Kamara.
Punto ng kongresista, paano makakamit ang hustisya kung iilan lang ang magsasalita.
Dagdag pa ni Abante, hindi niya lubos-maisip na kailangan pang hintayin na kumilos ang DOJ kaya umaasa ito na pagkatapos ng isinasagawang pagdinig ng komite ay mababago na ang pangamba ng mga naagrabyadong biktima.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home