Wednesday, June 19, 2024

Speaker Romualdez tiniyak patuloy na suporta sa mga magsasaka



Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang tuloy-tuloy na suporta at pagbibigay ng benepisyo sa mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon.


Sa kanyang pagharap sa Agriculture Convergence Event na ginanap sa Tiaong, Quezon, ipinakita rin ni Speaker Romualdez ang mataas na pagtingin nito sa mga magsasaka.


Si Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan ay inimbita sa event ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David "Jay-jay" Suarez kung saan nagsagawa rin ng payout ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) program ang Department of Labor and Employment (DOLE).


“Marami pa po tayong mga kasama sa adhikaing mapalago ang ating sektor ng agrikultura. Nariyan ang National Food Authority (NFA) na tinutulungan namin sa Kamara de Representante na muling makapag-benta ng bigas na kanilang binili sa inyo direkta sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez sa kanyang talumpati.


Ang tinutukoy ni Speaker Romualdez ay ang panukalang amyenda sa limang taong Rice Tariffication Law (RTL) na inaprubahan na ng Kamara de Representantes upang matulungan hindi lamang ang mga magsasaka kundi maprotektahan din ang mga konsumer laban sa mataas na presyo ng bigas.


Ang inisyatiba at mga hakbang na ginagawa ng Kamara, ayon kay Speaker Romualdez ay tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maitaas ang antas ng sektor ng agrikultura at mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.


Ang highlight ng pagtitipon ay ang pamimigay ng ayuda sa halos 4,000 magsasaka sa ilalim ng TUPAD sa isang simpleng seremonya sa Tiaong Convention Center. 


"Isang kagalakan na makasama kayo dito ngayon sa okasyong ito. Ang programang TUPAD na ipina-abot sa inyo ngayon ay isa lamang po sa mga inisyatibo ng Administrasyon ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr.," sabi ni Speaker Romualdez sa mga dumalo sa event.


Ayon sa lider ng Kamara ang pamimigay ng ayuda ay isang pagkilala sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura na siyang naglalagay ng pagkain sa hapag ng pamilyang Pilipino.


"Hindi po nalalayo ang magsasakang Pilipino sa puso ng ating liderato. Kaya nga po’t nabuo ang ganitong mga convergence event," dagdag pa ni Speaker Romualdez.


Ayon kay Speaker Romualdez mayroong mga inihahandang ayuda ang administrasyong Marcos para sa mga magsasaka at kinilala ang Quezon bilang ika-anim na pangunahing crop producer sa bansa.


"Bukod dito sa programang TUPAD, na pinangangasiwaan ng DOLE, nariyan din po ang Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para masiguro na may sapat na tubig ang ang inyong mga pananim," sabi pa nito.


"Kamakailan lang ay nanggaling kami sa Isabela, kasama ang Pangulong Marcos upang pasinayaan ang pagbubukas ng sistema ng patubig na gumagamit ng solar power," dagdag pa ni Speaker Romualdez. 


Ayon kay Speaker Romualdez nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang mga magsasaka ng Quezon sa ilalim ng Farmer’s Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program.


"Ilan lamang po ito sa mga hakbang ng pamahalaan na nagsisilbing matibay na patunay na sa ilalim ng Administrasyong Marcos. Ang ating misyon: walang maiiwan sa ating pagbangon tungo sa mas magandang bukas. Kasama po ang lahat sa pag-unlad," dagdag pa nito. (END)


MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-BABALITA PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAL PILIPINO ——- THIS IS TERENCE MORDENO GRANA REPORTING FOR AFP COMMUNITY NEWS, ONE AFP FOR STRONGER PHILIPPINES

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home