Thursday, July 18, 2024

RPPt Mahigit 3,000 residente ng Leyte tumanggap ng AKAP ayuda 



Mahigit 3,000 residente sa ikalimang distrito ng Leyte ang nakatanggap ng tig-P3,000 ayuda sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Isinagawa ang payout sa gymnasium ng Baybay City, Leyte nitong Miyerkoles.


Ang AKAP ay isang programa na isinulong ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Martin G. Romualdez kung saan ang mga mahihirap at “near-poor” o kumikita ng minimum wage o low-income earners sa informal sector ay binibigyan ng tulong pinansyal.


Pinangunahan nina House Deputy Secretary General Ponyong Gabonada, ang kumatawan kay Speaker Romualdez at Leyte 5th District Rep. Carl Cari ang payout activity.


Nakasama nila ang mga alkalde sa ikalimang distrito na sina Mayor Lemuel Gin K. Traya ng Abuyog, Mayor Nathaniel B. Gertos ng Bato, Mayor Jose Carlos L. Cari ng Baybay City, Mayor Manuel R. Villhermosa ng Hilongos, Mayor Botty A. Cabal ng Hindang, Mayor Rogello D. Pua Jr. ng Inopacan, Mayor Michael Dragon T. Javier ng Javier, Mayor Ronaldo T. Lleve ng Mahaplag at Mayor Eric S. Pajulio ng Matalom.


Sa kanyang mensahe, iginiit ni Gabonada ang pagnanais ni Speaker Romualdez na maipagpatuloy ang paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan ng administrasyong Marcos. Sinabi nito na ang Eastern Visayas, ang home region ni Speaker Romualdez, ay nananatiling top priority. (END)


———


RPPt Tulong ni PBBM sa mga magsasaka, mangingisda makapagpapababa ng mga presyo ng pagkain-Speaker Romualdez



Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagbibigay ng direktang tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.


Sumama ang lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan, kay Pangulong Marcos sa pamimigay ng tulong pinansyal sa may 10,000 benepisyaryo sa ilalim ng kanyang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF) program.


Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa benepisyaryong residente ng Palawan at kalapit na lalawigan ng Marinduque sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa Puerto Princesa City, Palawan.


Dumalo rin sa event sina Palawan Rep. Jose Alvarez at mga lokal na opisyal kabilang sina Palawan Gov. Victorino Dennis Socrates at Vice Gov. Leoncio Ola, Marinduque Gov. Presbitero Velasco Jr., at Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron.


Ipinaliwanag ni Speaker Romualdez ang layunin ng pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga magsasaka at mangingisda kasabay ng kanyang pagpapakialla sa Pangulo sa event.


“Kayo po - ang ating mga magsasaka at mangingisda - ang nagpapakain at bumubuhay sa buong bansa. Obligasyon ng ating gobyerno na tiyaking busog din lagi ang inyong mga pamilya at may maliwanag na kinabukasan para sa inyong mga anak,” ang pahayag ni Romualdez sa mga benepisyaryo.


“Sa pagbibigay ng suporta sa inyo, mapapalakas natin ang produksyon ng pagkain at masisiguro na abot-kaya ang presyo ng mga ito para sa ating mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas.


Tiniyak ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng Kamara de Representantes sa kanyang mga makabagong programa upang magpatuloy ang pagtulong sa mga nangangailangang Pilipino.


“We are very, very proud to be working under your leadership. I assure you, in the upcoming budget, these programs and projects of yours will be fully supported by the House of Representatives,” ayon pa sa pinuno ng Kamara. 


Kumpiyansa rin si Speaker Romualdez na ang mga ipinatutupad na programa ay makatutulong sa pagtaas ng produksyon ng mga magsasaka at mangingisda na magdudulot din ng pagbaba sa mga produktong inaangkat ng bansa.


“Ang misyon ng ating Pangulo: malaking kita para sa mga magsasaka at mangingisda, mataas na produksyon ng pagkain para hindi na tayo mag-import nito mula sa ibang bansa, at maayos na supply chain para maging abot-kaya ang presyo ng inyong mga produkto sa merkado,” dagdag pa ng kongresista. 


Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na ang programa ay naglalayong tulungan ang lahat ng magsasaka at mangingisda sa buong bansa. 


Ayon pa kay Speaker Romualdez, “Ang programang ito ay ang Presidential Assistance To Farmers and Fisherfolk o PAFF na laan para sa lahat ng magsasaka at mangingisda sa buong bansa. Ito ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na palakasin ang sektor ng agrikultura at pangingisda.” 


“Layunin ng inyong gobyerno hindi lamang ang magbigay ng direktang tulong at suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda. Misyon din naming lahat na paghusayin ang imprastruktura para sa inyong sektor. Dadalhin din natin ang mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka at pangingisda upang tumaas ang produksyon sa buong bansa,” dagdag pa ng mambabatas.


Ayon kay Speaker Romualdez tiniyak ng Pangulo na kasama ang Palawan sa mga unang lalawigan na makikinabang sa programa dahil sa likas na yaman nito.


“Siniguro ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isa ang Palawan sa unang mabibigyan ng pagkakataon na mapaunlad ang agrikultura at pangingisda. Alam nating lahat na ang Palawan ay kilala sa kanyang masaganang likas na yaman at magagandang tanawin, kaya't dapat lamang na bigyang pansin ang potensiyal nito sa kaunlaran,” sabi nito.


Si Speaker Romualdez ay ang kasalukuyang tagapangasiwa ng una at ikatlong distrito ng distrito ng Palawan.


“Mga kababayan ko dito sa Palawan, ang PAFF program ay para sa bawat Pilipino na nagnanais ng mas maginhawang buhay at masaganang ani. Magtulungan tayo at suportahan ang programa na ito para sa mas masaganang Pilipinas,” saad pa nito.


“Naparito ang panauhin natin ngayon para dalhin ang biyayang hatid ng gobyerno direkta sa inyong lahat,” ayon pa kay Speaker Romualdez, na tinutukoy ay ang Pangulong Marcos. (END)


——-


RPPt Pamilya Duterte dapat harapin, sagutin pagkakasangkot sa 27,000 EJK sa war on drugs campaign



Sa halip na ilihis ang tunay na isyu, sinabi ng isang Manila solon na dapat harapin at sagutin ng pamilya Duterte ang kanila umanong pagkakasangkot sa extrajudicial killing (EJK) ng may 27,000 Pilipino sa implementasyon ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.


Ipinunto ni Manila Rep. Joel Chua na lumutang ang mga saksi, gaya ni dating Police Colonel Eduardo Acierto sa pagdinig ng Kongreso at iniugnay si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga malalapit na kaalyado nito sa ipinagbabawal na gamot.


“As past and present government officials, it is the duty of the Dutertes to accord the Filipino people the respect that they deserve and answer these serious allegations of connections to illegal drugs and the extrajudicial killings,” sabi ni Chua.


“Because what has happened so far is just political deflection. The recent controversial ‘designated survivor’ statement of Vice President Sara Duterte is a prime example of this. As the issue hangs over the heads of the Duterte family, instead of answering directly, they deflect the issue,” dagdag pa nito.


Nais ni Chua na makakuha ng categorical answer lalo at direkta umanong sinabi ni Acierto na si Duterte ay protektor ni Michael Yang, ang dating economic adviser ng dating Pangulo na inaakusahang isang drug lord.


Nauna ng ipinag-utos ng House Committee on Dangerous Drugs ang pag-aresto kay Yang na lumutang ang pangalan sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng nakumpiskang P3.6 bilyong shabu sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.


“Idinawit yung economic adviser mo sa drugs, tapos you don’t confront the issue head-on? It defies human experience if they will continue to ignore the issue and pursue political deflection as a strategy,” sabi ni Chua.


Habang nagsasagawa ng pagdinig ang komite, biglang inilutang ni Vice President Sara Duterte na tatakbo sa pagkasenador ang kanyang ama at mga kapatid na sina Davao City Mayor Baste at Davao City Rep. Paolo Duterte sa 2025 midterm elections.


“They are neglecting their duty to the people, and they are setting a very poor example to those in public service. What happened to integrity and honesty among government officials?” giit ni Chua.


Bukod kay Acierto, lumutang din ang self-confessed na dating miyembro ng Davao Death Squad na si Arturo Lascañas, na inakusahan ang dating Pangulo na isang dating drug lord at ang pagpapatupad umano ng pekeng drug war kung saan 27,000 Pilipino ang pinaslang.


“It defies human experience why anyone would not want to answer serious allegations such as these. The right thing to do is deny it if it is not true. But instead of answering all allegations, they deflect and stir controversy somewhere else,” sabi pa ni Chua.


Sinabi ni Lascañas sa panayam ng Vera Files na si Duterte ang drug lord ng southern Philippines at pinaka-mapanganib na tao sa southern hemisphere.


Sa nakaraang pagdinig ng House Dangerous drugs panel, sinabi ni Acierto na si Yang ay isang drug lord. Si Yang ay nadawit din sa multi-bilyong Pharmally scandal.


Bukod sa dating Pangulo, sinabi ni Acierto na protektor din ng operasyon ng iligal na droga sina Senators Bong Go at Bato dela Rosa.


Pinangalanan din ni Acierto sina Johnson Chua, Allan Lim, at Allan Sy na konektado sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot. Ang mga ito ay inimbita sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers. (END)


——-


RPPt Speaker Romualdez inilatag agenda ng Kamara; 2025 budget top priority



Isang linggo bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso, tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-apruba ng Kamara de Representantes sa panukalang 2025 national budget, at ang nalalabing panukala na prayoridad na maaprubahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at dagdag na panukalang mailalahad sa SONA.


"The House is ready to take swift and decisive action to ensure these legislative priorities are met, paving the way for sustained development and progress under the administration of President Bongbong Marcos," ani Speaker Romualdez.


Sinabi ni Speaker Romualdez na handa na ang Kamara na tanggapin ang panukalang P6.325 trilyong National Expenditure Program (NEP), na siyang pagbabatayan sa gagawing 2025 General Appropriations Bill (GAB). Target umano ng Kamara na aprubahan ito sa Setyembre.


Tiniyak ng lider ng Kamara, na mayroong mahigit 300 kinatawan ang mabilis na pagpasa ng budget para sa susunod na taon.


"The 2025 national budget is essential for sustaining our nation’s growth and addressing the immediate needs of our citizens, and the House is ready to ensure its swift approval to support our development and progress," sabi ni Speaker Romualdez.


Dagdag pa nito, “We are ready and determined to work hard to pass the 2025 GAB before we go on break at the end of September. We will ensure the timely transmission of the spending bill to the Senate for their consideration as well.”


Ang 2025 NEP, na mas mataas ng 10 porsiyento sa P5.768-trilyong budget ngayong taon, ay katumbas ng 22 porsiyento ng gross domestic product ng bansa.


Inaasahan na isusumite ng Department of Budget and Management ang 2025 NEP sa Hulyo 29, matapos itong repasuhin ng buong Gabinete.


Alinsunod sa 1987 Constitution, ang NEP ay dapat na maisumite sa Kongreso sa loob ng 30-araw mula sa araw ng SONA. Kapag naaprubahan ito ng Kamara at Senado ito ay magiging General Appropriations Bill na isusumite sa Pangulo. Kapag nilagdaan ng Pangulo ito ay magiging General Appropriations Act.


Bukod sa panukalang budget, sinabi ni Speaker Romualdez na ipapasa rin ng Kamara ang mga panukala na nais na maging batas ng Pangulo sa nalalabing bahagi ng 19th Congress.


"We are fully committed to passing all the bills that President Marcos will possibly outline in his SONA. The House is ready and determined to work diligently to ensure these critical measures are enacted swiftly to support our nation's progress and development,” sabi ng lider ng Kamara.


Kung mayroon umanong dagdag na panukala na hihilingin ang Pangulo sa kanyang SONA ay bibigyan din ito ng prayoridad ng Kamara na maipasa.


“These SONA measures are crucial for addressing our nation’s immediate needs and promoting sustainable development,” sabi pa ni Speaker Romualdez. “We will work closely with the executive branch to ensure their swift and successful passage.”


Ayon kay Speaker Romualdez ipapasa rin ng Kamara ang nalalabing LEDAC priority bills. 


“We are committed to completing the legislative agenda by passing these crucial measures. They are vital for our nation’s progress and prosperity, and we will ensure they are enacted swiftly and effectively,” sabi pa nito.


Mula sa simula ng 19th Congress noong Hulyo 2022, makikita ang magandang performance ng Kamara.


“The House has diligently prioritized LEDAC bills, leading to substantial progress, with over 12,000 measures filed and 75 bills enacted into law," saad pa ni Speaker Romualdez.


Kasama sa naisabatas ang Act Emancipating Agrarian Reform Beneficiaries from Financial Burden, Act Establishing the Maharlika Investment Fund, Act Rationalizing the Disability Pension of Veterans, Act Establishing Specialty Centers in DOH Hospitals and GOCC Specialty Hospitals, Act Establishing the National Employment Master Plan (Trabaho Para sa Bayan), Act Protecting Online Consumers and Merchants Engaged in Internet Transactions, Ease of Paying Taxes Act, Act Granting Benefits to Filipino Octogenarians and Nonagenarians, Act Mandating Educational Institutions to Allow Disadvantaged Students to Take Examinations Despite Unpaid Fees, Act Protecting Workers in the Movie and Television Industry, Act Institutionalizing Teaching Allowances for Public School Teachers, the Act Extending the Availment of Estate Tax Amnesty, at Act Mandating Private Higher Educational Institutions to Waive College Entrance Examination Fees for Certain Students.


Mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2024, umabot na sa 12,405 panukala ang inihain sa Kamara kung saan 10,556 ang panukalang batas, 1,839 ang resolusyon, at isang petisyon.


Sa kaparehong panahon, 1,123 committee report ang naisumite, at 75 panukala ang naisabatas— 30 ang national laws, ay 45 ang local laws.


Ayon kay Speaker Romualdez, handa ang Kamara na maisabatas ang lahat ng 28 LEDAC priority bills na target matapos ngayong 19th Congress o hanggang Hunyo 2025. Ito ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Agrarian Reform Law, at Foreign Investors’ Long-Term Lease Act.


Sa pinakahuling pagpupulong ng LEDAC ay naidagdag sa prayoridad ang panukalang Archipelagic Sea Lanes Act, reporma sa Philippine Capital Markets, at amyenda sa Rice Tariffication Law. Ang tatlong ito ay natapos na rin ng Kamara.


"Our focus on these new LEDAC measures demonstrates our unwavering commitment to enacting laws that drive national progress," saad ng Speaker.


Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Speaker Romualdez ng mas magandang kolaborasyon sa Senado na pinamumunuan na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero. 


“I look forward to a robust partnership with the Senate, led by Senate President Escudero. Together, we can achieve significant legislative milestones that will profoundly benefit our nation,” sabi ni Speaker Romualdez. 


“This collaboration is vital to ensuring our legislative efforts are cohesive and effective in addressing the pressing needs of our people,” dagdag pa ng lider ng Kamara. (END)


——-


RPPt VP Sara nagpakita ng immaturity sa ‘designated survivor’ remark— DS Suarez



Nagpahayag ng pangamba si Deputy Speaker at Quezon Representative David “Jay-jay” Suarez sa posibleng negatibong epekto ng naging pahayag kamakailan ni Vice President Sara Duterte na itinatalaga ang kanyang sarili bilang “designated survivor.”


“Offhand, the VP’s statements are not what we expected from someone holding the second highest office in the land,” ayon kay Suarez.


“Ang kanyang pahayag ay nagpapakita ng kakulangan ng maturity na dapat ay taglay niya bilang isang mataas na opisyal ng gobyerno,” dagdag pa ng mambabatas. 


Si Suarez ay isa lamang sa mga kongresista na nagpahayag ng agam-agam sa naging pahayag ng Ikalawang Pangulo at patuloy na lumalaki ang bilang ng mga ito. 


“It raises a critical question: What are the implications of such a statement for the safety and unity of our government leaders?" ayon pa sa mambabatas.


“Regardless of her intentions, her remark is a reminder of the importance of ensuring the security and safety of the President and other officials in the line of succession,” giit ng lider ng Kamara.


Ang naging komento ng Bise Presidente, ayon kay Suarez, ay tila nagpapalakas sa lumalaking hinala na ang kanyang pagpapakita ng pakikiisa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noon ay pakitang-tao lamang.


“Ngayon ay mas nagiging malinaw sa atin ang tunay na intensyon at pagkatao ni Vice President Duterte,” dagdag pa ni Suarez. (END)

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home