Xian
Ipatatawag na rin sa mababang kapulungan ng Kongreso si dating Presidential spokesperson Harry Roque kaugnay ng pagdinig sa operasyon ng mga illegal POGO sa bansa.
Bukod kay Atty. Roque, ipatatawag din ng mga komite sa susunod na pagdinig sina dating PAGCOR Chairperson Andrea Domingo, at dating Technology and Livelihood Resource Center executive director Dennis Cunanan, na authorized representative umano ng illegal POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Gayundin ang negosyanteng si Cassandra Li Ong, na sinasabing kasintahan ng kapatid ni Mayor Alice Guo.
Ayon kay Lanao del Norte Rep. Zia Alonto Adiong na nagsulong ng mosyon sa komite, kailangang marinig ang testimonya ng mga nasabing personalidad para mabigyang linaw ang mga isyung iniuugnay sa mga ilegal na POGO.
Naghain ng mosyon si Adiong matapos matalakay sa pagdinig ang isyu ng pag-uusap nina Roque, Ong, at PAGCOR Chairman Alejandro Tengco noong nakaraang taon.
Muling nilinaw ni Tengco na sinamahan ni Roque si Ong para iapela ang nadiskubreng hindi umano paghahatid ni Cunanan ng kanilang bayad sa PAGCOR na aabot sa P27-million.
Nadiskubre rin na nakalagay ang pangalan ni Roque bilang legal head ng Lucky South 99 nang magsumite ang kumpanya ng mga requirements para sa renewal ng kanilang lisensya.
END
———-
Xian
Iniimbestigahan na rin ng PAGCOR ang naglipanang illegal online casinos sa mga website at social media platforms.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety at Committee on Games and Amusement, sinabi ni
PAGCOR Vice President for Offshore Gaming Licensing Department Atty. Jessa Fernandez, nagiging banta na rin ang pagkalat ng mga ilegal o walang lisensyang online casinos.
Diskarte umano ng ilang illegal online casino ang paggamit ng mga social media platrforms at influencers para mahikayat ang netizens o publiko na maglaro.
May ilang lokal at foreign illegal online casino websites rin aniyang gumagamit ng mga logo ng PAGCOR para palabasing lehitimo ang kanilang operasyon.
Iginiit ni Fernandez na delikado ang mga illegal online casino dahil wala itong ibinibigay na proteksyon sa publiko, gayundin na banta ito para sa mga kabataan.
Sa datos ng PAGCOR, halos 5,000 illegal online casinos pa lang ang naipasasara mula sa halos 7,000 illegal online casino websites na isinumbong sa NTC at DICT mula 2022.
Ipinasusumite na ni Rep. Dan Fernandez sa PAGCOR ang listahan ng mga influencers na sinasabing ginagamit sa pago-promote ng mga illegal online casinos, na target din nilang ipasilip sa BIR.
END
———-
XianYt
MGA PROTEKTOR AT MASTEMIND NG MGA POGO, PINATUTUN
Sa pagbubukas ng pagdinig ng Kamara, iginiit ni House Committee on Public Order and Safety Chairperson Dan Fernandez na dapat matunton at mapanagot ang mga mastermind at protektor ng mga naglipang illegal POGO dahil sa pagkakadawit nila sa iba’t ibang ilegal na gawain na labag sa batas ng Pilipinas.
Nababahala ang kongresista dahil sa patung-patong na kriminalidad na kinasasangkutan ng mga illegal POGO gaya ng torture, human trafficking, pagnanakaw, drug trafficking, at hindi pagbabayad ng buwis.
Sa ngayon aniya ay may mahigit 300 illegal POGO sa bansa, at aabot na sa mahigit 40,000 undocumented Chinese ang nahuli sa mga ilegal na establisyemento.
Pinatitiyak ni Fernandez sa mga ahensya ng gobyerno na naipatutupad ng tama ang regulasyon para sa mga lehitimong internet gaming license (IGL) operators. Gayundin na dapat mapigilan ang pag-usbong pa ng mga illegal POGO.
Sinabi naman ni Committee on Games and Amusement Chairperson Antonio Ferrer, dapat ding matukoy kung alin sa mga ahensya ng gobyerno ang talagang may responsibilidad sa paghahabol sa mga illegal POGO.
Bagamat malaki aniya ang kinikita ng gobyerno sa mga POGO, mas malaki naman ang nakataya dahil sa banta ng mga kriminalidad na kinasasangkutan ng mga ito.
Present sa pagdinig sina PAOCC Director Gilbert Cruz, PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, pati na ang ilang miyembro ng dalawang komite na nangunguna sa pagdinig.
Sa inisyal na presentasyon, sinabi ni PAGCOR Vice President for Offshore Gaming Licensing Department Atty. Jessa Fernandez na mula sa 298 licensed POGO noong 2019 ay bumaba ang bilang ng mga lisensyadong offshore gaming operators sa bansa sa 87 ngayong taon.
Sa kabila nito ay kumita pa rin naman aniya ng mahigit P5-bilyon ang pamahalaan noong nakaraang taon kahit hinigpitan ang regulasyon at pinalitan ng internet gaming license ang mga POGO.
END
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home