IMBESTIGASYON HINGGIL SA PAGSASAGAWA NG 2022 HAJJ, TINAPOS NA NG KOMITE
Tinapos na ngayong Miyerkules ng Komite ng Muslim Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo ang imbestigasyon nito batay sa dalawang panukala tungkol sa pagsasagawa ng 2022 Hajj sa Mecca, Kingdom of Saudi Arabia.
Ang House Resolution 7 na iniakda nina Lanao del Sur Reps. Yasser Alonto Balindong at Zia Alonto Adiong ay nanawagan para sa isang pagsisiyasat, sa administrasyon, pagbabalangkas ng mga polisiya, at koordinasyon sa mga kaugnay na ahensya ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa pagsasagawa ng 2022 Hajj sa Mecca, Kingdom of Saudi Arabia (KSA), na nagdulot ng paghihirap sa mga debotong Muslim Filipino.
Katulad nito, ang HR 22 ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ay naghahangad ng pagsisiyasat sa diumano'y kabiguan ng NCMF na makuha ang mga visa para makapaglakbay ang mga debotong Pilipinong Muslim sa taunang Hajj, na may layunin na magsagawa ng mga kinakailangang reporma upang matiyak ang isang mas mahusay na karanasan sa paglalakbay sa banal na lugar.
Kabilang sa mga isyung tinalakay ay ang mga kanseladong biyahe mula Maynila patungong KSA at naantalang paglalabas ng visa, na naging sanhi upang ang daan-daang deboto ay na-stranded, gayundin ang bagong sistema ng pagbabayad ng mga bayarin na may kinalaman sa Hajj sa pamamagitan ng ELM portal na pinagtibay ng KSA, at iba pa. Habang nasa pagdinig, tinanong si NCMF Secretary Guiling Mamondiong kung bakit niya pinili ang pamamaraan ng pagbabayad ng hulugan para sa mga tagabigay ng serbisyo. Aniya, nais niyang matiyak na protektado ang mga deboto sakaling may mga paglabag sa mga kontrata sa mga tagabigay ng serbisyo.
Sa kanyang pangwakas na pahayag, sinabi ni Dimaporo na naunawaan niya ang kahirapan ng NCMF dahil ito ang unang Hajj pagkatapos ng pandemya at ang mga bagong repormang pinasimulan ng KSA.
“So there needs to be a little bit of learning process. On the other hand also, we have identified quite frankly, I don’t know if we’ll call it negligence or mismanagement on the part of the NCMF,” aniya.
Sinabi ni Dimaporo na aatasan niya ang committee secretariat na bumalangkas ng Ulat ng Komite na may mga rekomendasyon.
Sinabi niya na ang mga kasapi ng Komite ay magpapasya sa panahon ng pahinga ng sesyon o bago ang pagpapatuloy ng sesyon upang magpasya kung itutuloy o hindi ang karagdagang pagsisiyasat o partikular na tumutok sa paghahanda para sa Hajj 2023.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home