Friday, December 16, 2022

PANUKALANG MAGNA CARTA ON RELIGIOUS FREEDOM, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA

Inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Miyerkules sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6492, o ang panukalang “Magna Carta on Religious Freedom Act”. 


Layon ng panukala na protektahan at isulong ang karapatan ng mga tao na pumili ng kanilang relihiyon, ipahayag ang kanilang paniniwala, umaksyon alinsunod sa kanilang konsensya, ipalaganap ang kanilang ispirituwal na paniniwala at ipahayag ang kanilang mga karapatan laban sa diskrimimasyon, at iba pa. 


Ang mga karapatang ito ay tatanggihan, isasailalim sa regulasyon, pabibigatin o pipigilan kung ito ay magreresulta sa karahasan, at hangga’t maaari ay protektahan ang kaligtasan ng publiko, pampublikong kaayusan, kalusugan, pag-aari, at mabuting kaugalian. 


Kasama sa mga ipinagbabawal na pagkilos na nakasaad sa ilalim ng HB 6492 ay: 1) pagbabantang pigilin ang isang tao na palitan ang kanyang relihiyon o paglipat sa isa pang grupo ng relihiyon; 2) paninirang-puri, panggugulo, pagpapahiya, o pananakit ng damdamin ng isang tao sa kanyang paniniwalang ispirituwal; 3) paghadlang sa daloy at akses sa mga impormasyong pang relihiyon; at 4) pagpigil sa pagtatrabaho dahil lamang sa usapin ng relihiyon. 


Ang mga lumalabag sa unang pagkakataon ay maaaring pagmultahin ng P100,000 hanggang P500,000, at pagkabilanggo mula anim na taon at isang araw hanggang walong taon. Ang mga susunod pang paglabag ay mapaparusahan ng multang P500,000 hanggang P2 milyon, at pagkabilanggo mula walo hanggang sampung taon. 


Imamandato sa Kalihim ng Katarungan ang pagtatatag ng toll-free number para sa napapanahon at wastong pagtugon sa mga katanungan sa karapatan para sa kalayaan sa relihiyon. 


Samantala, pinagtibay ng Kapulungan ang: 1) House Resolution 643, na binabati si Leyte Rep. Richard Gomez sa kanyang pagwawagi ng medalyang pilak sa 4th Fédération Internationale de Tir aux Armes Sportives de Chasse (FITASC) Asian Sporting Championship at pumang-apat sa 5th FITASC Asian Compact Sporting Champion Senior Division; 2) HR 647, na binabati at pinupuri si Ms. Hidilyn Diaz sa kanyang pagwawagi ng tatlong medalyang ginto sa 55-Kilogram Women’s Weightlifting Event sa idinaos na 2022 World Weightlifting Championships; at 3) HR 648, na nagpapahayag ng lubos na pakikiramay ng Kapulungan sa pamilya ng namayapang si Batangas Vice Governor Richard “Ricky” Recto, kapatid ni Deputy Speaker Ralph Recto. 


Pinangunahan nina Deputy Speakers Roberto Puno at Isidro Ungab ang hybrid na sesyon sa plenaryo.


wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home