MGA PANUKALANG EDDIE GARCIA, ENTERPRISE PRODUCTIVITY AT IBA PANG MAHAHALAGANG BATAS, PASADO SA KAPULUNGAN
Sa pabor na botong 240, ay nagkakaisang inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ngayong Lunes, sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 1270, na naglalayong magbigay proteksyon at isulong ang kapakanan ng mga independyenteng kontraktor sa industriya ng pelikula, telebisyon at radyo.
Ang panukala ay kikilalaning “Eddie Garcia Act”, na sasakop sa mga artista, mang-aawit, musikero, mananayaw, at iba pang tao na umaarte, umaawit, nagtatalumpati, nagtatanghal, o nagsasagawa ng mga gawaing makasining.
Ang HB 6683, o ang panukalang "Enterprise Productivity Act” ay pasado rin sa Kapulungan na may 242 pabor na boto, tatlong kontra at walang abstensyon.
Layon ng HB 6683 na magbigay ng insentibo sa mga manggagawa at namamahala, sa pagkakaroon ng mga programa para sa pagpapaunlad ng pagiging produktibo, at pantay na pamamahagi ng tubo para sa kanila, na maghihikayat ng mataas na antas ng pagiging produktibo, tungo sa pagsusulong ng pandaigdigang kompetisyon.
Ang iba pang mga panukala na pasado sa ikatlo at huling pagbasa ay ang: 1) HB 6571, na layong magdagdag ng mga tuntunin sa pagkuha ng right-of-way, site, o lokasyon para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng nasyunal na pamahalaan; 2) HB 6717, na nagsususpinde sa implementasyon ng paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction para sa kinder hanggang Grade 3; 3) HB 6716, na nagmamandato sa pagtatatag ng settlement area para sa mga mangingisda ng Kagawaran ng Agrikultura, Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Environment and Natural Resources, at mga lokal na pamahalaan; at 4) HB 6718, o ang panukalang “Freelance Workers Protection Act.”
Pinangunahan nina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan at Isidro Ungab ang hybrid na sesyon sa plenaryo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home