PAGPAPAHINTULOT SA MGA ALAGANG HAYOP SA MGA PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON, ISINUSULONG SA KAMARA
Isa Umali / Feb. 07
Isinusulong sa Mababang Kapulungan na magkaroon na ng batas para pahintulutan ang mga alagang hayop sa pampublikong transportasyon na nag-ooperate sa buong bansa.
Ito ay nasa ilalim ng House Bill 6786 o “Pet Transport Act” ni Paranaque Rep. Edwin Olivarez.
Ang Pilipinas ay kilala bilang “East Asia’s biggest dog owner.” At mayroong “pet dog” o alagang aso ang kada 8-tao.
Habang marami rin sa mga Pilipino ang may alagang pusa at iba pa.
Malinaw din ang pagiging “pet loving country” ng Pilipinas, at maraming pag-aaral ang nagsasabi na ang mga alaga ay nakakabawas ng stress, anxiety, depression, kalungkutan at nagbibigay ng “valuable companionship” at pagmamahal.
At dahil dumarami na ang mga “pet-friendly” na pampublikong lugar, naniniwala si Olivarez na panahon na ring mapayagan ang mga pasahero na magdala ng kanilang alaga sa public utility vehicles o PUVs.
Kapag naging ganap na batas ang House Bill, sinabi ni Olivarez na oobligahin ang PUV owners na maglaan ng “designated animal compartments” para sa mga hayop na nasa carriers o cage.
Kung walang ibang pasahero sa PUV, uubrang buhatin ng pet owner ang alaga, basta’t matiyak na malinis. Dapat ding tiyakin ng pet owner na hindi magdudulot ng pinsala ang kanilang alaga sa sasakyang PUV.
Higit sa lahat, batay sa panukala, hindi dapat masakripisyo ang kaligtasan, “convenience” at at kaginhawaan ng mga pasahero.
Nauna nang nagpasya ang pamunuan ng LRT-2 na payagan ang mga alagang aso, pusa at iba, basta’t fully vaccinated, nasa loob ng cages, at nakasuot ng diaper.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home