PAGKAMATAY NI JULLEBEE RANARA SA KUWAIT, ISANG PATUNAY NG PANGANGAILANGANG MAAMIYENDAHAN NA ANG SALIGANG BATAS
Isa Umali / Feb. 06
Ang karumal-dumal na pagkamatay ng Overseas Filipino Worker na si Jullebee Ranara at iba pang OFWs ay malinaw na nagpapakita ng kakulangan ng trabaho at oportunidad sa Pilipinas, kaya naman napapanahon na umanong maamyendahan ang Saligang Batas.
Ito ang iginiit ni Kabayan PL Rep. Ron Salo, sa kanyang sponsorship speech sa “public consultation” ng House Committee on Constitutional Amendments para sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Si Salo ay naghain ng House Bill 6920 na nagsusulong ng Constitutional Convention o Con-Con.
Ayon kay Salo, maraming Pilipino ang pinipiling umalis ng Pilipinas para mag-trabaho sa abroad, sa kabila ng mga “risk” o peligro at banta sa kanilang “physical at mental well-being.”
Tanong ni Salo, gaano pa katagal ang kailangang hintayin para kumilos, bago maagapan ang pagdami ng mga OFW na aalis ng bansa.
Binigyang-diin pa ng kongresista na ang “lack of employment” sa ating bansa ay isang problema na dapat ay agarang solusyunan.
At batay aniya sa iba’t ibang research, ang kakulangan ng trabaho at oportunidad ay bunsod ng “trade restrictions” na ipinapataw sa “foreign capital.”
Ang mga ito ay hadlang din sa paglago ng ekonomiya, nakaka-apekto sa “competitiveness” sa mga industriya sa bansa at “national development” sa nakalipas na mga taon. Naririyan din aniya ang monopolya at iba pa.
Kaya naman sinabi ni Salo na panahon nang maayemdahan ang Konstitusyon at i-liberalize ang mga limitasyon, na hindi lamang makakapagbigay ng oportunidad sa mga Pilipino at kani-kanilang pamilya, kundi makakatulong din pagbangon ng bansa mula sa dalawang taong pandemya ng COVID-19.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home