PAGBABAGO NG RUTA SA TRAPIKO AT VIP ZIPPER LANE PARA SA SONA 2023 TINALAKAY SA PULONG NG IBA’T IBANG AHENSYA
Sa pinal na pulong-koordinasyon ng iba’t ibang ahensya para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay tinalakay ang mga detalye sa daloy ng trapiko papuntang Batasan Complex.
Ibinahagi ni House Sergeant-at-Arms (SAA) retired PMGen. Napoleon Taas na magtatalaga ng zipper lane sa southbound lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, mula sa Philcoa malapit sa Quezon Memorial Circle.
Ang mga sasakyan na may SONA VIP passes na patungong Batasan Complex ay maaaring gamitin ang zipper lane upang mas mabilis na makarating sa lugar na pagdarausan ng SONA.
Ang mga sasakyang daraan sa lane na ito ay lalabas sa northbound lane ng Commonwealth Avenue, makalampas ng Don Antonio Village bago kumanan sa u-turn slot at dumiretso sa IBP Road patungong Batasan Complex.
Ayon kay SAA Taas, ang mga panauhin sa SONA na manggagaling sa Fairview area ay maaari ring gamitin ang southbound lane at gamitin ang parehong u-turn slot patungo sa pagdarausan ng SONA.
Upang mapasilidad ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa araw ng SONA, ay magpapakalat ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng 1,300 na tauhan.
Habang tinatalakay ang koordinasyon sa pulong, tinalakay naman ni Special Events Operations Head Emmanuel Miro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga alternatibong ruta na maaaring gamitin ng mga motorista papunta at pabalik mula sa Fairview para maiwasan ang anumang abala.
Pinayuhan ni Mr. Miro ang mga patungong Fairview mula sa EDSA na gamitin ang Mindanao Avenue mula sa North Avenue, dumaan sa Sauyo Road o ang Quirino Highway at lumabas sa Batasan area patungong Commonwealth Avenue.
Sinabi niya na ang mga bumibyahe mula sa Fairview patungong Lungsod ng Quezon ay dapat na dumaan sa parehong ruta.
Ibinahagi rin ng MMDA ang kanilang plano sa pagbabago ng ruta na maaaring daanan ng mga maliliit na sasakyan.
Ang plano ay kinabibilangan ng mga sasakyang bumabagtas sa northbound sa Lungsod ng Marikina, na patungong Payatas Road at papuntang Commonwealth Avenue.
Ang mga trak na magmumula sa Katipunan Avenue o C-5 Road ay pinapayuhang dumaan sa Congressional Avenue patungo sa kanilang destinasyon.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home