PAGPAPALAKAS SA BASES CONVERSION AND DEVELOPMENT AUTHORITY, INAPRUBAHAN NG KAPULUNGAN
Sa pabor na botong 231, tatlong hindi pabor at walang abstensyon, inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Martes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayong palakasin ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA), upang mas maayos na mapangasiwaan ang dating base militar at mga pasilidad tulad ng mga nasa Subic, Clark, Lungsod ng Baguio, at Kalakhang Maynila.
Aamyendahan ng House Bill (HB) No. 8505 ang ilang mga probisyon ng Republic Act (RA) No. 7227, ang batas na lumikha sa BCDA.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang isinabatas noong 1992 ay nangangailangan na ng pagbabago upang mabigyan ng kapangyarihan ang BCDA para sa epektibong mandato nito sa pagpapalit, pangangasiwa at pagbebenta ng mga dating base militar, na mahahalagang pag-aari na nasa kanilang kinaroroonan.
“The conversion of these assets is intended primarily for the benefit of the Armed Forces of the Philippines (AFP), the communities around them and the nation in general,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng 311-miyembro ng Kapulungan ng Kinatawan.
Sinabi niya na malaking bahagi ng kita mula sa pagbebenta sa ilang bahagi ng mga military reservations sa Kalakhang Maynila ay inilaan sa programang modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Idinagdag ni Speaker na ang pagpapaunlad ng dating American navy at air force bases sa Subic sa Zambales at Clark sa Lungsod ng Angeles, Pampanga upang gawing special economic zones (SEZs) ay lubos na pinakinabangan ng mga komunidad na nakapalibot rito, ng lokal na pamahalaan at ng ekonomiya ng bansa sa pangkalahatan.
“We have airports in Clark and Subic. Subic also has a deep water port. With the necessary infrastructure, these two SEZs can be transformed into regional manufacturing and logistics hubs and tourist destinations. We have to maximize their potential,” giit ng pinuno ng Kapulungan.
Ang HB No. 8505 ay pinagsamang dalawang panukala na iniakda nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. at Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Kinakatawan ni Gonzales ang Ikatlong Distrito ng Pampanga, habang si Arroyo ay kumakatawan sa Ikalawang Distrito. Ang iba pang pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Faustino Dy, Ricardo Cruz Jr., Ramon Jolo Revilla, Maria Angela Garcia, Jefferson Khonghun, Mark Go, Noel Rivera, Juan Carlos Atayde, Francisco Paolo Ortega V, Christopher de Venecia , Emigdio Tanjuatco III, Reynolds Michael Tan, Wilbert Lee, Christian Tell Yap, Jam Baronda, at Manuel Jose Dalipe.
Itinataas ng HB No. 8505 ang awtorisadong kapital ng BCDA mula P100 bilyon hanggang P400 bilyon, na iaasa sa pambansang pamahalaan at popondohan ng BCDA, ng cash o ari-arian.
Iminumungkahi rin ng panukala na ang kasalukuyang termino ng BCDA na 50 taon ay mapalawig pa ulit ng 50 taon, at maaari pang mapalawig sa pamamagitan ng batas.
Inaawtorisa rin nito ang kapangyarihan na, “(to) grant, donate or otherwise alienate by gratuitous title real properties to any government institution or agency to be devoted exclusively for public use.”
Idinedeklara rin sa panukala ang “alienable and disposable” residential at residential mixed-use lands na tinukoy ng BCDA sa kanilang master development plan para sa economic zones.
Subalit ang mga lugar na uuriin bilang alienable at disposable ay hindi dapat na mas mahigit sa limang porsyento ng kabuuang sukat ng lugar ng bawat economic zone.
Pinahihintulutran ng panukala ang BCDA na ipagbili ang mga alienable at disposable lands na ito, at ang mga kita rito ay idadagdag sa kita ng ahensya.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home