PANUKALA NA MAGTATATAG SA MGA IMBAKAN NG MGA NAIPON UPANG MAPABILIS ANG PAGTUGON SA KALAMIDAD, APRUBADO SA KAPULUNGAN
Sa pabor na botong 274, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang panukala na magtatatag ng disaster food banks and stockpiles sa buong kapuluan, upang mapabilis ang paghahatid ng mga relief goods at iba pang mag suplay sa panahon ng mga kalamidad.
Ipinanawagan sa House Bill (HB) No. 8463 ang pagtatayo at konstruksyon ng Disaster Food Bank and Stockpile sa bawat lalawigan at mga highly urbanized city sa buong bansa, at ang pagmamantine ng mga ito, at paglalaan ng pondo para sa kanilang operasyon.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pinuno ng 312-miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ang mungkahi ay nagmula sa katunayang ang bansa ay madalas na dinadaanan ng mahigit sa 20 bagyo kada taon, na mas naging mas malalakas pa dahil sa pagbabago ng klima ng panahon.
“This reality requires us to prepare for the eventuality of storms and similar calamities displacing residents of affected areas. We have to have a faster, a more efficient and a more effective system of responding to disasters and helping our people,” aniya.
Ilan sa mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina Michael Morden, Kristine Alexie Tutor, Ivan Howard Guinto, Alan 1 Ecleo, Bryan Revilla, Dale Corvera, at Manuel Jose Dalipe.
Aniya, ang pagtugon ay maaaring maisa-institusyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga strategic food banks at stockpiles sa buong bansa.
“A single life we can save through the timely delivery of medicine, food and critical items in the event of a calamity is worth more than the effort and money that will go into setting up these food and supply reserves,” giit ng pinuno ng Kapulungan.
Ang HB 8463 ay pinagsama-samang tatlong magkakaugnay na panukala na iniakda nina Representatives Michael Morden ng API Party-list, Ivan Howard Guinto ng PINUNO Party-list at Alan Ecleo ng Dinagat Islands.
Inendorso ito ng Komite ng Disaster Resilience at ng Komite ng Appropriations.
Sa ilalim ng panukala, ang disaster food bank and stockpile ay magsisilbing pangkalahatang imbakan ng pagkain, tubig, mga gamot, mga bakuna, mga antidotes, at iba pang mga mahahalagang produktong medikal, medical kits, portable power and light source, mga damit, mga tents, at mga gamit pangkomunikasyon.
Ang mga buhay ng mga naipong produkto na ito ay dapat na tumagal ng hanggang dalawang taon.
Ang pagtatatag ng mga naipon ay sa pagsisikap ng iba’t ibang mga ahensya, na pamumunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipagtulungan ng mga kagawaran ng public works and highways, trade and industry, agriculture, science and technology, at mga lokal na pamahalaan.
Tutukuyin ng NDRRMC ang mga lokasyon ng mga naipon, na isasaalang-alang ang pantay na pamamahagi sa mga rehiyon, madaling maakses, kaligtasan at seguridad mula sa natural at kalamidad na gawa ng tao, at mabilisang pagpapalabas ng mga suplay sa panahon ng kalamidad o kagipitan. Ang lokasyon ay dapat na manatiling lihim.
Iminamandato ng panukala sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng mga calamity-proof na bodega, kung saan ay ilalagak ang mga naipong pagkain at suplay.
Titiyakin rin ng NDRRMC, DSWD at iba pang may kaugnayang ahensya na ang mga naipon ay regular na minomonitor at napapalitan.
Sa panahon ng kalamidad, pangangasiwaan ng NDRRMC at DSWD ang paggamit at pamamahagi ng mga naipon. Sakaling ang kalamidad ay nahulaan, ay dapat na ipinupwesto na ng NDRRMC ang mga suplay sa mga lugar na malapit sa mga apektado.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home