Friday, August 25, 2023

PANUKALANG TRABAHO PARA SA PILIPINO ACT NA LAYONG PABILISIN ANG PAGLIKHA NG MGA TRABAHO, APRUBADO SA KAPULUNGAN


Inaprubahan ngayong Martes ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayon ng institusyunalisasyon at magpapalawig sa kasalukuyang National Employment Recovery Strategy (NERS), para sa planong paglikha ng mga trabaho.


Ang House Bill (HB) No. 8400 ay may titulong “Trabaho para sa Pilipino Act.”


Ayon kay Speaker Martin Romualdez, nagresulta ng pandemyang sanhi ng Covid-19 ng mga pagsasara at pagbabawas ng maraming negosyo, na naging dahilan ng pagkawala ng libo libong trabaho sa bansa.


“Now that we are recovering gradually from the health crisis, we have to regain lost jobs and create more employment and income opportunities for our people,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng 311-miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, matapos na ipasa ng mga mambabatas sa pabor na botong 235, tatlong hindi pabor at walang abstensyon, na nag-aapruba sa HB No. 8400 sa ikatlo at huling pagbasa. 


Sinabi niya na ang pagpapalawig sa NERS na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 140 sa isang komprehensibong balangkas sa pambansang paglikha ng mga trabaho ay ang sagot ng Kapulungan sa mga suliranin ng kawalan at kakulangan ng trabaho.


“Through this plan, and with the cooperation of the concerned agencies and especially of local government units (LGUs) throughout the country, we hope to address these twin issues related to employment,” dagdag niya.


Ang HB No. 8400 ay pinagsamang dalawang magkatulad na panukala na iniakda nina Parañaque Rep. Gus Tambunting at Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva ng CIBAC Party-list.


Ilan sa mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Juan Fidel Felipe, Zaldy

Co, Christopherson Yap, Jonathan Keith Flores, Gerville Luistro, Raoul Danniel Manuel, Janice Salimbangon, at Manuel Jose Dalipe.


Nilikha ng panukalang batas ang isang inter-agency council para sa mga trabaho at mga pamuhunan na pamumunuan ng Kalihim ng trade and industry, na katuwang ng Kalihim ng labor and employment bilang co-chairperson.


Ang mga Kalihim ng finance, budget and migrant workers, director general ng National Economic and Development Authority, hepe ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), isang kinatawan mula sa mga employers’ organization, at isang kinatawan mula sa mga labor group, na uupo bilang mga miyembro ng lupon.


Ang Department of Labor and Employment (DoLE) ay magsisilbing secretariat ng lupon. Ang inter-agency body ay minamandato na magbalangkas ng medium-term and long-term jobs creation plan (JCP), na kabibilangan ng mga layunin at targets, mga hakbangin, pagsukat ng mga tagumpay, at performance indicators.


Pagtutugmain nito ang mga trabaho, kabuhayan, mga proyekto at programang pagsasanay ng pambansang pamahalaan, tungo sa pangangalaga at paglikha ng mas maraming trabaho.


Makikipagtulungan ito sa mga lokal na pamahalaan sa pagpaplano, pagsasagawa at pagpapatupad ng mga programa sa pagbawi ng trabaho, at paglikha ng trabaho sa mga lokalidad.


Titiyakin nito na ang mga programang ito ay alinsunod sa JCP.


Babalangkasin rin ng lupon ang mga tuntunin sa institusyonalisasyon ng JCP sa bawat ahensya ng pamahalaan.


Ang panukala ay nangangailangan ng aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang plano na makabawi sa trabaho at makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa kanilang mga komunidad. 


Magpapatupad ng implementing rules and regulations ang Department of Trade and Industry, DOLE at TESDA, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya at mga pribadong tagapagsulong.


Ang paunang pondo ay nakaatang sa badyet ng mga naturang ahensya. Ang mga susunod na rekisitos ay isasama na sa kanilang mga panukalang taunan ng pambansang apropriyasyon. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home