Friday, August 25, 2023

PANUKALANG BATAS NA TRABAHO PARA SA PILIPINO, INKLUSIBONG EDUKASYON AT TRABAHO PARA SA MGA BENEPISYARYO NG 4Ps, APRUBADO NA SA PINAL NA PAGBASA

 

Inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ngayong Martes ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang House Bill 8400, o ang panukalang "Trabaho Para sa Pilipino Act." Nakatanggap ito ng 235 pabor na boto, tatlong hindi pabor na boto, at walang abstensyon. Ito ay isang panukalang prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na naglalayong gawing institusyonal at palawakin ang National Employment Recovery Strategy patungo sa isang Jobs Creation Plan (JCP). Nakatuon ang JCP tungo sa pagpapabilis ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya, sa pamamagitan ng pagsasama ng mga pambansang pamumuhunan at insentibo sa mga solusyon na naglalayong mapagaan ang mga hamon sa sektor ng paggawa. Nagkaisang inaprubahan din ng Kapulungan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang HB 8497, na nakatanggap ng 236 pabor na boto, na magtataguyod ng inklusibong edukasyon, pagnenegosyo at trabaho para sa pangmatagalang pag-unlad ng mga matatandang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Itataguyod din ng panukalang batas ang edukasyon sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng alternatibong sistema ng pag aaral, pati na rin ang mga pagsasanay sa pagnenegosyo at trabaho. Magkakaroon din ng ayuda sa pagpapakilos ng komunidad na aabot sa P500 kada matandang benepisyaryo ng Adult Education Program, upang matustusan ang kanilang pagkain at transportasyon. Ang iba pang mga panukalang batas na naipasa ay 1) HB 8568, na nagbibigay ng mga mekanismo na magsisiguro sa epektibong pagpapatupad ng programa sa pagtatanim ng mga puno sa buong bansa, 2) HB 8505, pagpapalakas ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), 3) HB 8503, na nagdedeklara ng Hunyo bilang "Marine Turtle Conservation and Protection Month," at 4) HB 7447, pagpapalakas sa mga lokal na lupon ng kalusugan sa bawat lalawigan, lungsod, o munisipalidad sa pamamagitan ng pagsama sa pagiging kasapi nito ng isang kinatawan mula sa Barangay Health Workers Federation. Pinagtibay din ng mga mambabatas ang House Resolution 1212, na nagpapatunay sa pagkakaroon ng bakanteng posisyon sa Kapulungan, partikular na ang kinatawan para sa Ikatlong Distrito ng Negros Oriental, at nanawagan sa Commission on Elections (COMELEC) na punan ang bakanteng posisyon sa pamamagitan ng isang espesyal na halalan. Pinangunahan ni Deputy Speaker Ralph Recto ang sesyon sa plenaryo. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home