MAS MARAMING BENEPISYARYO, EPEKTIBONG SERBISYONG PANLIPUNAN, HANGAD NG MGA MAMBABATAS SA PAGDINIG NG BADYET NG DSWD
Tinapos na ngayong Huwebes sa pagpupulong ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinangunahan ni Vice Chairperson Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy Limkaichong ang pagdinig sa panukalang P209.92 bilyong alokasyon para sa taong 2024 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga sangay nitong ahensya, ngunit hindi kasama ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Binigyang diin ni Rep. Limkaichong, na siyang magdedepensa ng badyet ng DSWD sa plenaryo, ang kahalagahan ng serbisyong panlipunan at pagbuo ng kapasidad sa pangangalaga ng mga mamamayang nasa laylayan.
Aniya, layunin ng Kongreso na matugunan ang pangangailangan ng publiko nang hindi nakokompromiso ang paggastos ng pondo ng pamahalaan.
Nabanggit din niya na titingnan ng Komite kung papaano madaragdagan ang badyet ng DSWD kung kinakailangan. Nagpahayag ng suporta sa DSWD ang ilang mambabatas, gayundin sa pagpapalaki pa ng 2024 badyet nito upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa mga serbisyong panlipunan at programa ng ahensya.
Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga mambabatas na nakatuon ang ahensya sa pagsusulong ng pagpapalakas ng kagalingang panlipunan at proteksyong panlipunan para sa lahat ng Pilipino.
Aniya, ang mga inisyatiba ng DSWD ay nakatuon sa "pagtataguyod ng isang lipunan kung saan ang bawat indibidwal, anuman ang kanyang kalagayan, ay maaaring umunlad at makatulong sa ikabubuti ng bansa."
Hinimok naman ni GABRIELA Rep. Arlene Brosas ang DSWD na dagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nito. Bagama’t sinusuportahan niya ang panukala ni Rep. Brosas, ipinaliwanag ni Sec. Gatchalian na ang bilang ng mga benepisyaryo sa ilalim ng 4Ps na may badyet na P112.83 bilyon ay nakalaan sa 4.4 milyong kabahayan.
Naglaan ang DSWD ng P1.25 bilyon para sa Quick Response Fund (QRF), P49.8 bilyon para sa Social Pension for Indigent Senior Citizens, at P900.11 milyon para sa PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA) Program.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home